SITAK Diskarteng Pasahero

Sa hirap ng buhay ngayon, madalang nalang ang lumalaban ng tapat. Halos lahat ay nagiging ganid na sa kanilang mumunting paraan. Siksikan na kasi tayo dito sa Maynila kaya lahat ay naghahabol ng kita. Nagkakaagawan, nagkakabalyahan at uutakan ka pa kung makakalusot. Bakit? May hinahabol kasi tayong estado ng buhay, habang tumatagal ay maraming dagdag bayarin. Hanggat may kahirapan, may nagbabadya na maging korupt. Kapiling na natin yan sa ating sistema. Ibabahagi ko ngayon ang aking obserbasyon at kung paano dumiskarte bilang pasahero.

Araw-araw nakakasalamuha natin at nakakasama ang mga pumapasadang sitak (taxi). Alam ko na marami ng reklamo at pang-aabuso ang naitala. Nababalitaan nga natin, pero nauulit parin. Isang aral lang ang mapupulot natin, pero walang naghahatid ng solusyon. Bago natin ilatag ang madalas na problema, silipin muna natin ang kanilang sitwasyon bilang isang naghahanap buhay sa manibela. Minsan sa pagiging makasarili, ay nabubulag na tayo para makita at makisimpatsa sa sitwasyon ng iba. Dahil isa rin tayo sa mga naghahabol ng kita. Kaya ‘di natin maiwasan na ang ibang tinutukoy ko na kayod karkador ay tumatawid sa takip silim (gitna ng mabuti at masama). “Kupal” ang madalas na bansag natin. Mataas ang posibilidad ng tao na maging kupal sa bingit ng kahirapan.

Magsimula tayo sa kanilang garahe, pagsalang nila ay may gasolina ng laman ang kotse, na kailangang ikarga ulit pagbalik nila. Naglalaro sa 1,200-1,800 ang dapat nilang ibigay sa may-ari pagkalipas ng 24 oras na pasada. Ngayon sa kalye, may kakaharapin pa silang tanghalian at hapunan. Wala pa doon yun mga idlip na magaganap dahil sa tama ng pagod. Ang lansangan at opisina ay wala naman halos pinagka-iba…oras ang lagi mong kalaban. 40 pesos ang unang bagsak ng metro, ang mga susunod na patak ay pangkarga na ng gasolina. Kaya ‘wag mong isipin na ang 100-200 daan na binayad mo ay mapupunta sa kanila. Kwarenta lang ang sa kanila doon at may kahati pa. Sino? E ‘di ang petiks lang na may-ari. Ngayon, kung malayo-layo ang byahe at hahaluan pa ng sumpa ng buhol buhol na kotse…iiling-iling na ang nagmamaneho. Dito na siya sasaniban. Bakit siya nagiging kupal? Dahil sa garahe may nangungupal rin sa kanya. Maglalagay siya sa dispatser at mekaniko. Bawas bawas na ngayon ang kita. Kung sila ay isa sa mga hari ng lansangan, may panginoon sa garahe. Paghindi sila nag-abot, asahan mong tatanghaliin sila ng byahe bukas o kaya naman, magmamaneho sila ng pumupugak na kotse. Ang tanong pa dyan, paano kung kulang ang boundary? Iiral na ngayon ang polisiya ng kumpanya na iwan lisensya. Ang pagkukulang mo kahapon ay papatong sa byahe mo ngayon. Sino ang madalas na suki ng utangan sa tindahan? Sino pa ba…ang misis ng mga nagmamaneho ng sitak. Sabihin natin na kada 30 minutos ay kumakabig sila ng 40 pesos? 1,920 ang kabuuang kita. E’ kung lagpas pa dito ang boundary at sasabayan pa ng kaltas ng mga pulis o dispatser ng pwesto? Gutom ang suma total. Hindi ko pa dinadamay dito ang bayarin sa bahay, pondo sa pagkain at pagpapa-aral ng anak.

Ngayon nahimay na natin. Kailangan putulin ang buntot bago pa ito tumubo. Ito ang diskarteng pasahero:

1. Huwag munang sumakay kaagad-agad pagpumara ng sitak. Silipin ang address ng sasakyan, kapag malayo ito sa pupuntahan mong lugar. Asahan mong magpapadagdag yan dahil malayo sa garahe nila. Payo ko, huwag ka ng sumakay at makipagtalo…ubos oras lang. Mabilisan lang dapat ang pakikipag-usap. Kumbaga sa palikero, para kalang nagpapalit-palit ng syota.

HALIMBAWA:

Manong: Saan ka?

Ikaw: Fairview.

Manong: Ang layo. Dagdag ka ng…..(putulin mo kaagad)

Ikaw: Sige, ayos lang. (sarhan mo ng pinto at mag-abang ka ng iba)

2. Ituring na tindera sa palengke ang mga nagmamaneho, paghumingi ng dagdag, makipagtawaran ka. Pagnagsalubong kayo ng presyo, tsaka ka na sumakay. Mahirap kasi pagnakasakay ka na’t nasa kalagitnaan kayo ng EDSA tsaka siya hihirit ng dagdag. Kahirapan ang dahilan nila, kahirapan din ang tugon mo.

HALIMBAWA:

Manong: Dagdag ka ng isang daan, hirap ang byahe ngayon.

Ikaw: Naku hindi pa kaya, wala pang sweldo. Bente siguro kaya, taghirap ngayon e’.

Mayayamang nagmamadali lang ang kumakagat sa 100 dagdag. Madalang lang sila makakahanap ng ganun, dahil halos lahat ng may kaya, de-kotse. Ang mahalga nagbigay ka sa kanya ng alok na dapat ay bukal sa kalooban mo. Pagdi niya kinagat, kawalan niya yun dahil siya ang naghahabol ng kita. Ang 10-15 minuto na wala siyang pasahero ay parang paluging bangko.

3. Pilitin mong makipag-usap sa kanila na parang taga-kanto lang. Naninimbang kasi ang mga yan kung kaya ka nilang hingan ng malaking dagdag lalo na kung nakapustura ka’t nakagayak. Kung kalye ang dating mo, sasagi sa isip niya na hindi ka basta magpapalamang. ‘Wag mo lang gaanong susobrahan, baka pagkamalan kang holdaper sa sobrang astig mong magsalita.

HALIMBAWA:

Manong: Saan ka?

Ikaw: (may angas) Pasig lang ‘tol. Byahe ka ba o hindi?

4.  Sa mga babae naman, pagpara mo ay ‘wag munang sumakay. Silipin mo muna kung matino ang itsura ng nagmamaneho at pakiramdaman kung mabuti siyang nilalang. Pagnakaramdam ka kahit sundot ng kutob o kabog. ‘Wag mo ng sakyan, magdahilan ka nalang. Magsanay ka na ngayon ng mga dahilan na siguradong ikakatanggi nila. Maganda kung nakauwi ka ng matiwasay kahit madaling araw na, kaysa sa maaga kang nakauwi ngunit nabastos ka at malala kung hindi ka na aabot ng bahay.

HALIMBAWA:

Manong: (Nakatitig sa parte ng katawan mo at mukhang hayok) Saan ka miss? (Sabay lunok)

Babae: (Kinutuban) Sa Cainta lang ako, pero may susunduin tayo sa Quiapo.

5. Kung mabilis naman magpatakbo ang sitak at byaheng langit. Pagsabihan mo kaagad na maghinay-hinay lang dahil natatae ka. Kung ‘di parin umubra. Idaan mo sa mga makikitid na daan, lubak o kaya naman kalyeng tadtad ng humps. Pero syempre sino namang sitak ang gustong magkalat ka sa loob?

6. Paano kung parang kuntador ng tubig ang takbo ng metro? Kung hindi malakas ang loob mo na sitahin si manong, bumaba ka na o kaya naman iparada sa pinakamalapit na himpilan ng pulis na alam mo. Pahintayin mo at sabihing may kakausapin ka lang saglit. Tsaka ka ngayon magtawag ng pulis. Kung makisig na lalake ka naman at nakakalalake’t pabalang ang sagot…alam mo na ang gagawin. Gulpe de gulat.

7. Huwag mo silang bibigyan ng dagdag kung pinapaikot-ikot lang niya ang daan papunta sa inyo. Lingid sa kaalaman niya, siya ang malulugi sa byahe dahil kakain ng gasolina at oras yun. ‘Di na uubra ang lumang tugtugin na yan. Siguro noong panahon ng Gemini taxi pwede pa.

8. Pag-inaantok naman ang nasa manibela. Pairalin mo ang pagiging madaldal o kaya naman alukin mo ng bisyo. Sigarilyo ang sagot. Simulan mo munang tanungin kung matumal ang byahe, tsaka mo siya tadtarin ng tanong tungkol sa kanyang talambuhay. Manganganak at manganganak ang tanong hangga’t may kinukwento siya. Sa kabilang banda naman, pwede mo ring idaan sa makikitid at malubak na daan. Mabangga man kayo, ay hindi malala ang pagkakasalpok dahil mabagal lang ang takbo ng kotse. Umiwas sa malalawak na kalye tulad ng EDSA o COMMONWEALTH, walang lugar ang inaantok na tsuper sa rumaragasang mga truck at bus. Giniling ang kalalabasan niyo pagpumailalim sa mga nabanggit ko.

Ang mga nakasaad sa itaas ay tinatawag na kompremiso sa bangit ng kahirapan sa tulad rin nating kumakayod. Isang tulong na dapat iabot, para malihis ang utak na mang-abuso.

MENSAHE NG MAY AKDA: Sa mga mambabasa. Dagdagan mo nalang kung may kulang.

About mgakwentonijuantamad

Habang inaabangang mahinog ang bayabas, dumapa muna ako't sumulat. Tingnan lahat ng paskil sa mgakwentonijuantamad

3 responses to “SITAK Diskarteng Pasahero

  • katingera

    hahaha! pre ayos tong post mo ah! hindi naman ako nagtataksi dahil wala naman akong pera, at nasisimutan ang aking wallet. nakakatuwa lang magbasa ng mga pang-araw-araw na buhay ng iba’t ibang uri ng Pilipino. nice!

  • Carla

    Hanga din ako sa mga pinoy na taxi driver, hindi talaga lahat manlalamang. Nakakagulat pa na nangyri sakin eh ung papunta ako sa Amnesty International gig ng LIB. Nakagayak ako ng todo P123 ang metro mula MOA, sabi ko “pwede po bang P120 nlng?” pero sya pa ang nag alok na P100 nlng ang ibigay ko. Lesson, Wag bastos sa mga driver, hindi lahat sila masama.

  • tawa

    Ibabahagi ko lang ang aming karanasan sa sitak ng aking ama, papunta kami ng paliparan noon upang ihatid ang aking ama na nagtratrabaho sa ibang bansa. (Alam nyo naman pag-papuntang paliparan ang isinasakay ng sitak tatagain na agad ng nagmamaneho).
    Sumakay kami sa may Coastal Mall.
    Pagsakay pa lang namin ay:
    Erpat : Paliparan brad.
    Manong : Bossing baka pedeng dadagan nyo, kayo ng bahala.
    Erpat : …………… (parang walang narinig)
    pagkatpos ng ilang sigundo nag-init initan ng ulo ang erpat ko.
    Erpat : Bkit kasi hindi mo pinacheck ung kotse sa driver bago tayo umalis.
    Ako : (Tahimik lang na parang takot sumagot.) Malay ko po bang di nya chineck.
    Erpat : Wag na wag mong papakialaman ang mahaba ko sa bahay ha, (M16) at sabihin mo kay Major pag-tumawag na saglit lang ako sa Hongkong may aasikasuhin lang ako dun….
    Ako : Opo, di ko naman yun ginagalaw eh….Gaano ba kayo katagal sa HK?
    Erpat : Di ko pa alam, pagnakita ko agad yung pakay ko dun babalik agad ako.

    At nang nakarating na kami ng paliparan.
    Erpat : Wag ka ng bumaba, dito ka na din sumakay. (sabay paalala ule ng) ang mga baril ko ha wag pakikialam…
    Ako : Opo

    Nilisan na namin ang paliparan at habang nasa byahe kami ay kinausap ako ni manong:
    Manong : Pulis tatay mo no?
    Ako : Opo…(Tapos ginatungan ko pa ng), Pasensya na po kayo mainit kase ang ulo ni Erpat nasiraan kase kami ng kotse sa may Imus (Cavite) kaya galit na galit kase mahuhuli na sya sa kanyang paglipad, ung Pajero naman namin dinala nung utol ko sa Batangas….(bigtime na bigtime ang dating….hehehe)

    At nung pababa na ako ng sitak.
    Ako : Manong magkano po?
    Manong : Yung sa metro na lang boss…
    HAHAHAHA…. siguro mga 2005 pa yun pero hanggang ngayon di ko makalimutan ang istorya hahahahaha……

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: