PAGBUKOD

Marami ng gustong bumukod at magsarili. Pero paano ba sisimulan? Kolehiyo palang ako ay sinisimulan ko ng patatagin ang sarili. Yun ang Unang hakbang, handa ka dapat harapin ang pagod, gutom at kalungkutan dahil yan ang isa sa mga kakaharapin mo paghumiwalay ka na sa bahay kung saan may inang nagsisilbi, tatay na komukumpuni at magulang na nagbabayad lahat ng bayarin tulad ng koryente, tubig, pagkain at iba pang panganga-ilangan.

Pangalawa, magsanay na magluto. Lalo na kung may asawa ka, minsan dyan nagsisimula ang maliit na alitan hanggang ayaw niyo ng umuwi sa bahay dahil wala namang masarap na pagkaing madadatnan. Ang bahay ay matatawag na tahanan kung sagana at masarap ang nakahain. Nakakapawi yun ng pagod, sa pagod nag-uugat ang init ng ulo na magiging galit at pagkatapos ay dahilan ng hiwalayan. Pag-umiral na ang gutom, putak dito, putak dyan ang kalalabasan. Almusal at hapunan ang pinaka-importante sa lahat. Bakit? Dahil almusal ang magsisimula ng iyong araw at sa hapunan naman magtatapos. Pagsinabi kong luto ay lutong bahay hindi saing at prito lang. Maggulay para makamura. Kung mag-isa ka naman sa buhay, malaking pagtitipid din ito kung magluluto ka.  Ang maiiwang pera ay maisusubi mo pa sa iba pang pangangailangan o pagdinatnan ka ng luho at paggusto mong magliwaliw sa buhay na may kasamang sundot ng bisyo. Tao ka lang, pagmay sobra, bigyan ng aliw ang sarili lalo na mapag-isa ka…malungkot ang apat na sulok ng silid kung tatameme ka lang.

Pangatlo, timbangin ang kita kung kaya mo ng bumukod.  Mawawalan ng saysay ang una at pangalawang nabanggit ko kung kapos ka sa pera. Lalo na dito sa Maynila, pera ang nagpapagalaw sa tao, ang katawan ay kasangkapan lang. Dyan na ngayon papasok ang matematika na kinasusuklaman nating pag-aralan, pero kailangan magkalkula. Pwede mo rin naman tantsahin, pero mas malinaw kung nakalatag. Paano kung mali ka ng tantsa? Babagsak ang tore ni Babel niyan! Isang halimbawa, sabihin natin na ang kita mo sa isang buwan ay nasa 8 libong piso. Dapat ang hanapin mong paupahan ay naglalaro sa 2 hanggang 3 libo, sagad na yun. Pero huwag mong aasahan na makintab ang bahay at maaliwas ang tanawin sa labas, dahil saan ba makakahagilap ng murang paupahan? Sa masisikip na lansangan at makitid na kalye. Mangarap pero huwag managinip. Kung hindi mo kayang magtiis, huwag ka ng bumukod, ganoon lang kadali. Maging palamunin ka nalang sa bahay hanggang malumpo ka.

Balik sa paksa…papatak ang bayarin sa tubig ng mga 100-200 daang piso depende kung naglalaba ka. Sabihin natin na nasa 500-700 daan naman sa koryente kung may ref at telebisyon at madalang mo lang gamitin. Tapos kada isang linggo, 500 daan lang dapat ang pondo mo sa pagkain. Para pagkasyahin ang natitira mong 2 libo sa pamasahe. O kung mura lang ang pamasahe at hindi naman aabot ng 100 daan kada araw, dagdag bawas nalang ang gawin mo parang bilangan ng boto sa kanayunan. Ito ang nakakasuyang kompyutasyon:

P 3,000  Paupahan

P 1,000  Koryente at tubig

P 2,000  Pagkain

+ 2,000  Pamasahe

______________

P 8,000 Pangkalahatang Gastos

Ang tanong dyan, paano kung kulangin? Dito na papasok ang larong sugal. Ano sa mga yan ang kaya mong isugal? Magtitipid ka ba ng koryente’t tubig, maglalakad ng ilang milya pauwi o lilipat ka nalang sa mas murang paupahan? Ikaw na ang tumimbang, alangan na ako pa?! Mahirap din tipirin ang sarili sa pagkain, dahil kalusugan mo naman ang nakasalalay kung panay sinabawang arina at mga minatamis sa kemikal ang ulam mo. Bayarin sa ospital ang iyong ikamamatay kung ganun. Kung may sobra naman ay mag-impok. Pagmay ipon na, mangarap ka na ngayon magkabahay. Pero huwag managinip na makakabili ka ng gusali.

Pang-apat, bago magsarili, halog-hugin mo muna lahat ng sulok at kalye para makahanap ng malilipatan. Dapat mabilisan lang ang pagtatanong. “Magkano? Apat na libo ang upa? Hindi kaya, sige salamat.” sabay alis. Ganun lang kadali, ‘wag ka ng makipagbalitaktakan o kaya naman ay silipin pa ang bahay dahil kahit maglupasay ka…hindi talaga kaya. Bakit ka pa mag-aaksaya ng oras? Sayang ang bawat patak ng minuto para mahanap ang malilipatan na pasok sa pondo mo. Ang masakit dyan, nagustuhan mo na yun bahay pero may nakakuha na, dahil ilang hakbang lang ang nilamang ng kakabayad palang na uupa. Usad pagong ka kasi, sayang ikaw na sana yun.

Panglima, pagnakahagilap ka na’t natipuan ang lilipatang bahay, ‘wag ka ng magpatumpik-tumpik. Ibayad mo na kaagad ang kalahati, tsaka mo iaabot ang balanse pagnakalipat ka na. Pagnakapwesto na lahat ng gamit, magliwaliw ka sa labas ngayon. Kilalanin ang lugar na ginagalawan at mga taong pumapalibot sayo. Hanapin mo kaagad ang pinakamalapit na palengke at doon ay makakamura ng bilihin. Bumili ka lang sa talipapa kapag may nakaligtaan ka lang na putahe sa lulutuin. Mas mahal kasi pagdoon ka bumili dahil kinukuha lang nila ang paninda sa palengke. Maniwala kang sa probinsya pa nila yun inaangkat…Tae! May patong na sa palengke, pagdating sa talipapa, may patong ulit. Patong patong na kaso na yan! Alamin mo rin ang pinakamalapit na tindahan at mabait na tindera (matatakbuhan paggipit ka), bilihan ng tubig pang-inom (mahirap magtiwala sa NAWASA), ospital (takbuhan pagnagripuhan ka sa sikmura), tapunan ng basura (para hindi ka matambakan at tapunan ng patay na daga), kumpunihan ng gamit (pagtinotopak ang kagamitan sa bahay) at matatakbuhan na barangay o kapulisan (pagnakapatay ka ng magnanakaw). Huwag mong isawalang bahala ang lahat, dahil ang mga nakasaad dito ang magiging katuwang mo sa pagsasarili.

MENSAHE NG MAY-AKDA: Kung may kulang man sa mga nabanggit dito ay malaya kayong magdagdag ng payo. Makakatulong ito para mapalawak pa ang kaalaman ng mga nais ng bumukod.

About mgakwentonijuantamad

Habang inaabangang mahinog ang bayabas, dumapa muna ako't sumulat. Tingnan lahat ng paskil sa mgakwentonijuantamad

2 responses to “PAGBUKOD

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: