PITAKA

Matamlay, nasisiphayo at nakatunga-nga. Balikan natin ang dahilan kung bakit.

Pauwi na noong isang gabi, kakatapos lang manood ng sine. Dumaan muna ako sa opisina dahil dumating na raw ang sweldo. Kinuha ko narin pati yun sa ka-opisina ko’t halos magkalapit lang ang bahay namin. Pauwi ay isang masayang kwentuhan pa ang nangyari sa loob ng sitak. Halakhakan dito at tawanan d’yan. Pumatak ng dalawang daan yun metro, pagkabayad ay bumaba na’ko at hinagilap ang susi para buksan ang pinto. Madaling araw narin kaya bagsak na ang mga mata sa pagod. Isang maliit na salo-salo ang magaganap mamaya, kailangan maghanda. Nagising ako ng maaga para magayak at mamalengke. Ako kasi ang kusinero sa bahay.

Paalis na nga lang ako at lahat, hindi ko mahagilap ang pitaka ko na saksakan ng kapal. Tumatagingting ng dalawampu’t anim na libo ang laman. Taglilimang daan na nakahelera pa’t lumalagutok sa lutong. May kasama pang tatlong tag-isang daan at dalawang bente pesos. Hinalughog ko ang buong bahay, pero isang bigong paghahanap. Nanlumo ako sa nangyari. Napaupo, tumungga ng alak imbis na kape at nagsunog ng baga sa sunod-sunod na hithit ng sigarilyo. Halos tumawid na sa panandaliang kabaliwan.

Napagtanto ko, nawawalan pala ng halaga ang pera pagpinaghirapan. Mapa bilyon, milyon, libo o daan pa yan. Isa lang ang pakiramdam, mahapdi sa dibdib pagnawala. Buti sana kung kita sa putahan yun o droga, hindi mahirap lustayin o kahit man malaglag, matatanggap mo kaagad dahil mabilisang pera. Ngayon ko naintindihan kung bakit kahit limampung piso ay pinag-aawayan pa ng iba. Hindi naman pala talaga pera ang pinag-ugatan, kundi ang pawis, pagod at puyat na pinuhunan para kumita.

Pero kahit papaano, tumuloy parin akong mamalengke. Kumbaga sa teatro, kahit anong mangyari, kailangang matuloy ang palabas. Pagbalik ko sa bahay ay matamlay akong nagluluto, binuhos ko nalang ang puot, lungkot, asim at alat sa putahe. Dumating na ang mga kamag-anakan at oras ng magsalo-salo, wala akong gana kaya nagmukmok muna ako kapiling ang mga pananim kong gulay sa bakuran.Lumabas ang aming kasam-bahay at sinabing “Wala talaga kuya, kahit sa kasuluksulukan ng mundo hinanap ko na. Sayang yun pera, sa Samar, 5 bangka na ang mabibili noon.” tugon ko “Dapat pala binilan ko nalang ng bangka ang asawa mo, tapos yun apat na matitira patatakbuhin nalang natin. Kumita pa sana tayo ng 40 pesos kada banka. Kung swertehin, 80 kabig.”

Nakwento niya kasi sakin na 40 pesos ang kada byahe ng bangka sa pulo para maghatid ng troso’t gagawing uling. Pagkatapos ay ibebenta nila ito sa bayan. Madalas ay nakakaisang hatid lang sila at madalang lang makadalawa. Isipin mo yun, 40 pesos kada araw para sa ikabubuhay nila. Isang kaha lang yun ng yosi dito sa Maynila. Hindi tuloy nakatulong ang sinabi ni Jemma, lalo pang binalot ng panghihinayang ang sarili kong pabaya.

Tinulog ko nalang ang pighati, pero hindi ako tinantanan sa panaginip. Binuyo ako ng demonyo at gumawa ng eksena sa isipan ko. Pinaniwala niya akong naibalik na sa akin ang pera…at aba, nakangiti pa! Kaya paggising, lalo lang lumala ang sitwasyon, parang binubulungan akong kumapit sa patalim. Ginamit ang kahinaan ko para lalo pa akong umasa at maging desperado para gawin lahat ng paraan para maibalik ang pera. Bumalik ulit ang anino na minsan ng bumalot sa akin para magtulak at magtawag ng pasada na byaheng langit. Sumagi rin sa isip ko na isangla o ibenta ang iba kong ari-arian na parang hayok na gumagamit at pababa na ang tama.

Pero…pumalo ang katinuan. Buti nalang at humampas ang simoy ng hangin sa bintana…nahimasmasan ako. Kailangan mo palang magnilaynilay muna at ilang oras na katahimikan para humupa ang utak mong naalog. Ang katahimikan pala minsan ay hindi nakabibingi, nakakapagpakalma rin. Ang kasiraan pala ng tao ay nanggaling sa emosyong pabigla-bigla. Parang gatilyong pinutok, wala ng balikan pagnapindot mo na’t bumaon ang tingga.

Makakausad ka lang kung natanggap mo na ang pagkabigo’t pagkukulang. Pagnaabot muna ang dulo ng iyong kalungkutan kailangan mong tanggapin na wala ng pag-asa, para maghanap ka ulit ng panibagong aasahan. Kaya ‘di na ako umaasang maibabalik pa sakin ang pitaka. Kaya kung sino man ang nakapulot, ibayad nalang niya sa impyerno. Doon tumatanggap sila ng pera.

About mgakwentonijuantamad

Habang inaabangang mahinog ang bayabas, dumapa muna ako't sumulat. Tingnan lahat ng paskil sa mgakwentonijuantamad

2 responses to “PITAKA

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: