UNANG BAYTANG 10. Bintana ng Kamalasan

Sa kwarto naming magkakapatid, ugali kong gumuhit sa pader. Basta kung ano ang maisipan, sige guhit lang! Mapang-akit sa mga bata ang makinis na pader at tubig baha. Kahit marumi, magtatampisaw yan. Akala kasi namin ilog na lumitaw sa gilid ng kalye. Para nga kaming mga tanga at gumagawa pa kami ng pamingwit, butete lang naman pala yun nakikita namin sa kanal.

Maulan noon, nasa labas kami ni Bukol at Tomtom. Naglalaro ng bangkang gawa sa tansan ng litro. Sa kabilang paupahan ay may dalagitang lumabas sa pinto. Napatigil lahat ng bagito’t napatitig sa kagandahan ng babae. Alam mo naman pagbata, tumingin lang sayo ang babae ay para ka ng itlog na pula. Lalo na kung ngingitian ka, hay langit! Madalang lang pala siya lumabas, simula noon, marami ng kalalakihan ang nag-aabang sa lahat ng dako. Sa puno ng alatiris, sa bubungan at pader. Akala mo nga mga uwak. Masulyapan lang siya ay kumpleto na ang araw. Yun iba nga kung makapagsalita ay parang inaangkin na si Lyca. Isa na roon si Bukol na madalas na sinasabi “Pare, akin yun. Walang aagaw!”.  Ang tigas nga! Parang sila na. Pagnandyan na bahag naman ang itlog. Pasikat ang lahat basta makita na namin siyang lumabas. Mga tsope naman dahil hindi man lang makalapit at walang lakas ng loob na makipagkilala.

Minsang nasa kwarto ako at binababoy ang pader, biglang may sumitsit. Alam mo naman ang bata, malawak ang imahinasyon kaya kinabog ang dibdib ko. Pakiramdam ko tuloy may dwendeng gustong makipagkaibigan sakin, pero imbis na pangunahan ng takot ay minura ko ang paligid. Aba! Minura rin ako pabalik. Pagsilip ko sa kabilang bintana ay hindi ko maaninag kung sino dahil nangingitim na sa alikabok at sapot ng gagamba ang salamin. Hinamon ko ngayon ng suntukan yun bata at nag-amok na sa labas ng kalye kami magkita para magbakbakan. Tumakbo ako ngayon palabas, pagsilip ko ay galit na nag-aabang si Lyca. Siya pala yun sumitsit sakin. Nagboses lalake kasi kaya hindi ko nahalata. Magkatapat lang pala yun kwarto namin. Pagkakataon na sana para makilala ang dilag pero nasampal ako ng wala sa oras. Wala naman akong magawa dahil babae, alangan naman na sungalngalin ko? Ngayon ay isa na akong pusong sawi. Siya na sana ang magbibigay sa akin ng unang halik, napurnada pa ang puta!

Nag-isip ako ngayon kung paano makabawi, kaya tuwing umaga, bago ako bumili ng pandesal ay inaabangan ko siya lagi sa kanilang pinto para humingi ng tawad. Sa hindi inaasahang pagkakataon, sa tabing bahay nila ay may bintana. May narinig akong umuungol. Isang ungol ng pakikipagtalik. Sino ba naman ang hindi sisilip di ba? Dumungaw ako at ang bumungad sakin ay ang pulis nilang kapit bahay na sarap na sarap habang nakapatanong. Sakto namang napatitig sakin si hepe, kumaripas ako ng tabo kaya hinabol niya ako sa labas na nakatapis bitbit ang baril. Ang malas nga naman pag-umatake! Tinutukan niya ako ng boga at nakatanggap pa ng mura. Ayaw niya akong paniwalaan na hindi ako namboboso. Kinutongan ako’t binantaan. Namumula na ako sa galit. Hindi ko naman siya mabanatan at baka hindi tumalab suntok ko.

Kinaumagahan, nagdala ako ng pentel pen na iba-iba ang kulay. Maaga pa masyado at padungaw palang ang araw. Lahat ng galit ay iginuhit ko sa pintuan ng pulis. May larawan ng ari ng lalaki, tapos salitang “Putang-ina mo” na may iba-ibang kulay. Isang obra mo ngang matatawag. Sining na punong-puno ng paghihimutok at puot. Sakto at sa tabing bahay pa nila ay may gripo’t hose. Binutasan ko ang screen ng bintana, pinasok ko ng marahan ang hose at binuksan ang gripo, sabay takbo na! Basang basa ang loob ng bahay ng parak, at galit na galit itong lumabas paggising. Nagtago muna ako sa bahay at hindi muna lumabas ng ilang araw. Mahirap na, baka mapaghinalaan.

About mgakwentonijuantamad

Habang inaabangang mahinog ang bayabas, dumapa muna ako't sumulat. Tingnan lahat ng paskil sa mgakwentonijuantamad

4 responses to “UNANG BAYTANG 10. Bintana ng Kamalasan

  • Prinsipe ng Pangarap!

    ayos. tapang ah hahaha! buti nga at hindi ka napaghinalaan… hahaha! grabe ka. kamusta naman si Lyca, napatawad ka ba niya?

    • mgakwentonijuantamad

      Ako pa. Maraming gagong bata sa kalye namin. Ang salarin ay pwedeng kahit sino. Lumipat na ng bahay si Lyca. Abangan ang iba pang pangyayari. Salamat nga pala sa pagbabasa.

  • mumbaki21

    Ayos ah.. Natawa ako sa kwento mo. Isa kang inspirayon, pwede ngang gawin yun noh? Ibig kong sabihin ang “Sulatang Pader”, upang mailabas ang creativity mo. Gawan ko din ng ganito anak ko pero hindi sa pader ha, mahirap na baka akala niya tama ang pagsusulat sa pader hehehe… Gawan ko naman siya sa kisame hahaha bahala na siya kung pano siya magsusulat at magdrodrowing.
    Lalo ako ginanahan magbasa nung may nabasa akong umuungol hihihi… kala ko tuloy tuloy na ang kwento…
    Batangas Blogs

    • mgakwentonijuantamad

      Salamat sa pagdaan. Maganda bigyan mo ng isang parte ng pader sa bahay ang anak mo kung saan pwede niyang iguhit lahat ng gusto niya. Para malaya siya makaguhit at maturuan din ng desiplina kung saan lang pwede, pati kung saan bawal. Kaya bago kami lumipat ng paupahan pinapinturahan muna samin yun bahay dahil tadtad ng kulay ang pader namin. Hindi ko na itinuloy ang kwento ng nakita ko at baka mapainitan ang mambabasa. Sa uulitin.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: