UNANG BAYTANG 5. Delatang Dilaw

Lahat ay kumpleto na sa school bus. Naghalo-halo na ang mga batang amoy kinulob na tinapa. Saksakan kasi ng init at kung hindi ihaharurot ng tibo naming driver ay walang hahampas na hangin para man lang matuyuan ng pawis. Mailap si Tita Luds, minsan mo lang mapatawa. Pagnagsalita ay laging gasgas ang boses. Pero hanep magpatakbo lalo na paghinahabol ang pulang ilaw ng stoplight at pagpromeno naman ay kasya pa ang sampung bata sa upuan. Kaya kawawa lagi ang nasa dulo, kulang nalang ay putukan ng ugat sa pagkakapipi. Sa paghatid ng mga bata ay uunahin ang pinakamalapit na bahay. Kantahan muna, pagkatapos ay kanya-kanyang bitaw ng bugtong at kwentong katatawanan tulad ng patagisan ng galing ng Hapon, Amerikano’t Pilipino. Sa huli syempre ang laging lamang ay ang Pinoy. Hindi narin maiwasan ang asaran kaya lagi akong may kalmot sa braso at halos makalbo na sa sabunot ng mga dalagita.

Hindi pa ganun katutok ang mga bata sa teknolohiya kaya inaaliw nalang ang mga sarili pagdating sa laro at batuhan ng kwentong katatawanan. Halos maikwento na lahat mula sa kung paano ipasok ang elepanta sa ref hanggang sa nanay na umakyat ng puno at inabutan ng pare ng piso pambili ng blade pang-ahit.

Pangatlo ako sa mga huling ihahatid. Kaya ang kulay dilaw naming delatang schoolbus na tadtad ng masilya ay nagmukha ng truck ng basura sa dami ng nakakalat na plastik ng icecandy na binili namin sa kundoktor, supot ng tsitserya, nilukot na papel dahil sa batuhan atbp.

Pagbaba ko sa tapat ng bahay ay may mga bagong lipat. Di ko gusto ang asta ng dalawang batang magkapatid, na si Tom Tom at Bukol. Bagong salta lang ay presko na kumilos. Kaya binangga ko sa balikat at binalot ng tensyon ang paligid. Pakiramdam ko ay para akong asong dapat markahan ang teritoryo. Hindi naman pumalag pero mukhang nagtitimpi. Bakas sa mukha ni Bukol ang mga peklat ng sapakan at poknat sa ulo kaya alam kong laking kalye rin siya tulad ko.

About mgakwentonijuantamad

Habang inaabangang mahinog ang bayabas, dumapa muna ako't sumulat. Tingnan lahat ng paskil sa mgakwentonijuantamad

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: