UNANG BAYTANG 4. Silid Aralan

Balik klase. Nagpakilala na ang adviser namin, sabay sulat ng buong pangalan niya sa pisara. Mangilo-ngilo ang ngipin ko sa kaskas ng chalk sa kahaba-habang pangalan na sinulat at may palayaw naman pala. Nakagisnan narin naming bumati tulad ng “Good morning teacher, good morning classmate! How are you? Fine, thank you!” para tuloy kaming mga sirang plaka punyeta. Paulit ulit kada palit ng guro. Ilang araw lang ang lumipas at tapos na ang maliligayang araw ko na nakaupo sa likuran. Ibabase ang pwesto ng upuan namin sa pagkasunod sunod ng apilyido. Kaya sa ikalawang guhit ako nilagay, tinapat pa mismo malapit sa upuan ng guro. Kaya unting kibot lang, tanaw ka ng matang lawin. Uso rin ang sulatan ng Noisy at Quiet, ang matindi ay bibilangan ka pa’t ipapasa sa guro mo kung ilang beses ka dumaldal. Nabibilang pala yun!

Mayayabang at masisipag pa ang lahat, dahil bago pa ang mga gamit pang-eskwela. Palupitan ng gamit , aakalain mong pang boys scout ang mga pencil case namin dahil kumpleto rekados. May pantasa, may lagayan ng pambura, may munting piano na ang madalas na tugtugin ay ang nota ng “Maligayang Bati” o “Twinkle, Twinkle…Little Star”, ruler na may magnifying glass, patungan ng libro at sa dami ay limot ko na ang iba. Kulang na nga lang ng swiss knife at pwede ka ng mamuhay sa bundok. Sa aming mga bata, hindi pa uso noon ang magpabango ng katawan kundi magpabango ng gamit, kaya naglalagay kami ng kisses na hugis bilog at kasing liit lang ng munggo na may ibat-ibang kulay. Napaniwala pa akong dumadami raw yun at nabubuntis kung ilalagay mo sa bulak. Mas napagastos tuloy ako sa bulak na mas mahal pa sa kisses. Dapat inahing manok nalang pala inalagaan ko. Maraming kasabihan ang mga bata noon, buti nalang nalampasan ko na ang paniniwalang pagnasugatan ka ay lalabas ang kinain mo sa sugat.

Uwian na! May mga kundoktor na nag-aabang sa labasan, unahan ang mga bata dahil naglipa na ang mga negosyanteng naglalako ng tsitseryang may plastik na laruan sa loob, kwintas na parang kapsulang bote’t may kulay pa, ibong maya o kaya sisiw na kinulayan, paputok na hinihila o pwedeng itali sa pintuan, ice candy, ice buko, ang walang kamatayang bunutan na mas mahal pa ang bayad mo kaysa mapapanalunan, sipang gawa sa tanso’t straw at iba’t ibang uri ng teks. Sa gilid ng paaralan kung nasaan yun mga vendors ang ikatlong tahanan ng mga bata. Ang mga tindera’t tindero ang ikatlong magulang namin. Ang mga baon namin, sa kanila napupunta.

About mgakwentonijuantamad

Habang inaabangang mahinog ang bayabas, dumapa muna ako't sumulat. Tingnan lahat ng paskil sa mgakwentonijuantamad

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: