UNANG BAYTANG 3. Bata Batuta

Nagkita-kita ulit kaming magkakaklase dati. Nagkumpulan lahat sa palaruan, nagkamustahan na parang magkukumpare at nag-isip na kung ano ang lalaruin. Napagdesisyunan naming maglaro ng Marcos-Marcos, ito ang makabagong mataya-taya. Kung saan pagnahuli ka ng taya dalawa na kayong hahabol sa iba pa, hanggang mataya niyo ang lahat. Pagnatapik na lahat ng kasali, ang unang nataya kanina ang siya namang hahabol. Pinagpatong patong na namin ang aming mga palad para simulan na ang ritwal ng maiba alis. Nagsisimula ng magtanggalan at hanggang ngayon isa parin ako sa mga umaasang wag maging taya. Dalawa nalang kami, kaya bato-batopik na ang laban. Unahan kung sino ang makalimang panalo. Pumwesto na ang iba, magkakaalaman na kung sino ang unang hihingalin sa kakahabol. Putek ako ang taya! Karipas lahat sila ng takbo. Para tuloy akong lola na naghahabol ng sisiw. Masasagasaan ang sino mang humarang makatapik lang kahit isa. Sa wakas ay nanawa rin kami. Kaya ibang laro naman!

Hinati namin ang 10 sa dalawang grupo. Ito ang larong Agawan Base. Kada grupo ay may kuta, isang uri rin ito ng habulan. Ang bawat kuta ay magsisilbing tore ng kapangyarihan. Kung sino ang unang maubos sa magkabilang panig, sila ang talo. Simula na ng digmaan sa Quadrangle. Sa kasamaang palad ay ako nalang ang naiwan sa tore namin. Lahat ay nabihag na. Kapit bisig sila sa tore ng kalaban, ang tawag dito ay koryente. Ito ay isang estilo para madali mong maabot ang kakampi mo kapag nabihag na ng kabila. Pero hindi ako susugal dahil para silang mga lobong lumalapit sa akin. Kailangan bantayan ang tore, hindi dapat ito mahawakan. Buti nalang at tumunog na ang kampana, balik na ulit sa klase. Mukha na kaming mga yagit pagbalik saming mga silid aralan. Ang iba ay parang may bahid pa ng putik na nakaguhit sa kili-kili at leeg, mangasim-ngasim ang amoy sabay makikitungga ng tubig kung sino man ang may coleman. Ang mga madadamot at ayaw mamigay ay duduraan nalang ang lagusan ng tubig.

Maliliksi kami dati. Maraming bata ang nahuhumaling sa paglalaro. Hindi pa ganoon kagarbo ang mga laruan at teknolohiya. Kaya maraming naiimbentong laro ang mga paslit dahil tanghali palang brown-out na. Kailangang aliwin ang sarili. Tulad ng bondyakan ng dyolens, wasakan ng turumpong tadtad ng tamtaks, tumbang preso na ang gamit ay nagkakapalang Rambo na tsinelas, dampaan ng lastiko, mula luksong tinik na naging luksong baka na ang pinakamahirap na luksuhan ay pag-umabot na hanggang leeg ang tatalunin, sipa na ang panapos ay burot o black magic, walang kamatayang patentero, tambling na ang pinakamahirap gawin ay Diablo (tatambling na walang kamay) at teks “tsub tsa akeyn!”. Syempre samin lang mga lalaki yun, iba rin ang laro ng mga dalagita, meron Chinese garter, piko na ang pinangguguhit ay basag na paso, ang pabilog na “Nanay, Tatay, Gusto ko tinapay…” at hula-hoop. Para samin kulang ang isang dekada na paglalaro.

About mgakwentonijuantamad

Habang inaabangang mahinog ang bayabas, dumapa muna ako't sumulat. Tingnan lahat ng paskil sa mgakwentonijuantamad

2 responses to “UNANG BAYTANG 3. Bata Batuta

  • anakngpating

    hay kamis ang kabataan at ang mga kalaro mo nung musmos ka pa lang hays…sarap bumalik sa pagkabata walang hassle walang problema, pero ngayong matatanda na tayo hays ang daming dumadating at may nawawala rin hindi na rin nagagawa yung mga dating nagagawa nung kabataan natin ..

  • mgakwentonijuantamad

    salamat sa oras mo. kaya nga sinulat ko nalang at alam kong hindi na nating kayang ibalik pa. sana’y naibigan mo, marami pa akong dapat ikwento. magandang araw.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: