UNANG BAYTANG 2. Anong Klaseng Klase yan?

Nakapangalan ang seksyon namin dati sa isang puno, ang tawag ay Narra. Hindi ko alam kung bakit ako napabilang doon, siguro kasing tigas ng ulo ko ang kahoy. Kapag nasa mababang baytang ka palang ay mga kulay naman. Tulad ng kinder red, prep green at kung ano ano pang kulay ng bahaghari. Ang sumunod ay mga bulaklak, hanggang umaabot ka sa seksyon ng puno kung nasaan ako ngayon. Kanya kanyang pwesto ang lahat. Sa una labo-labo muna kung saan ka uupo. Syempre ang pinili ko ay bandang likod at isang upuang makinis-kinis pa, dahil mahirap magsulat sa baku-bako. Alam ko kaagad kung sino talaga ang mga likhang mabait at sisipsip, dahil sila ang nakaupo sa harap. Ang mga pilyong mag-aaral dati ay nasa likod, alam mo kung bakit? (1) Para makapagtago kapag magtatanong ang guro (2) pag-inaantok (3) pag-gustong ngumuya ng tsitsirya (4) paggustong magdaldalan, at (4) para malayang makakopya. Hindi ka kasi halata sa likod, kaya unting tungo lang ay parang bakanteng lote na. Ang una kong ginawa pagdating ng guro ay nagpaalam akong umihi. Nilibot ko muna ang ikatlong palapag para alam ko kung saan ang pinakamalapit na palikuran. Ngayon ko lang nasaksihan ang palapag na ito. Sa baba kasi, ang tanda ko, magkasama pa ang lalake’t babae at pinto lang ang pagitan. Ngayon ay hiwalay na dahil tinutubuan na kami ng malisya at balahibong pusa. Ang pinagtataka ko lang ay bakit naiihi at natatae ang ibang mag-aaral sa salawal nila. Hindi ba nila nararamdaman pagtinatawag sila ng kalikasan? Mahihiya ka pa ba kapag sumisilip na ang tubol o kaya lumalamig na ang paligid kahit mainit naman? Minsan lang nangyari sakin yun, kasalanan din ng guro. Nagpaalam ako sa kalagitnaan ng klase pero pinagalitan pa ako at pinaupo. Kaya hindi ko na matiis at nagpasabog ako ng lagim sa klase. Pinamukha kong kasalanan ni Ginang!

Pagbalik ko, isa-isa ng nagpapakilala ang mga bagong mukha. Naglalakihan pa ang plaka namin ng pangalan, aakalain mong gurang ang babasa. Wala munang itinuro sa unang araw, panay pagpapakilala lang at kung anong trabaho ng magulang mo. Yun ibang guro ay di pa pumapasok at may latak pa ata ng bakasyon. Ito na ang pagkakataon para makilala namin ang isa’t isa. Lahat ng makilala ko ay may bansag na…kulangot, tababoy, putok, kuneho, noo, uling, panot, kulot, galis, haba-baba, bakat, unano, komang atbp.

Sumapit na ang recess. Tumuloy kaagad ako sa kantina at unahan kasi ang mga bata, yumayanig ang sahig sa tuwing magtatakbuhan ang mga anak ng tupa at naghihiyawan pa ang mga patay gutom. Isang baso ng sabaw ng buko at sikat na banana-Q ang merienda ko. Pagtapos ay diretso nako sa palaruan. Maraming naglalaro, lahat sila ay madudungis na. Halos kainin ng kalawang at lupa ang mga uniporme nila. Hindi man lang kasi malinisan ang siso at baras kaya nagbabadya ang tetano. Buti wala pang naninigas ang bagang.

About mgakwentonijuantamad

Habang inaabangang mahinog ang bayabas, dumapa muna ako't sumulat. Tingnan lahat ng paskil sa mgakwentonijuantamad

3 responses to “UNANG BAYTANG 2. Anong Klaseng Klase yan?

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: