UNANG BAYTANG 1. Pasukan na Naman…

Alas sinko na ng umaga. Ang unang halimuyak na bumungad ay ang ginigisang bawang sa kusina. Rinig ko rin ang tilamsik ng mantika at depihit na radyo habang si nanay ay naghahanap ng estasyon ng nagbabagang balita. Wala pa ako sa ulirat para bumangon, pinapanalangin kong makulimlim ang umaga’t may sumalantang bagyo para hindi matuloy ang unang araw ng klase. Inakala kong kulog ang bawat hakbang sa kahoy naming hagdan. Paakyat na pala siya, para gambalahin ang kaluluwa naming magkakapatid. Para kaming mga sundalong bumangon at sumaludo sa heneral. Sapilitan pa kung sino ang una saming maliligo para makahandusay pa sa upuan at makaidlip ng ilang minuto. Ako ang panganay kaya ang pinauna ko ay ang bunso. Ang malala ay biglang bumusina ang school bus, kaya kailangan magmadali. Kaya napilitan akong maligo sa labahan namin na saksakan ng lamig. Mali ang diskarte ko, kaya bawat buhos ng tabo ay may kasamang hiyaw na parang taong gubat. Paspasan lahat ng kilos, pati almusal namin ay parang lamutak ng hayop. Isang kuskos lang ng sipilyo sa ngipin at ayos na! Bitbit ko ang bag kong mas malaki pa sakin, baunan kong may sabaw sabaw pa at coleman. Sabay karipas ng takbo sa nag-aabang na sasakyan.

Sa loob ng school bus, bawal pang umupo ang maliliit na bata malapit sa pinto at baka daw mahulog. Kaya sa gitnang bangko kami umupo. Kung sardinas lang kami, sulit kaming delata dahil siksik sa laman at katas ng pawis. Tahimik ang lahat na parang bagong saltang preso. Ang iba ay kandong pa ng nanay. Ang ingay lang na maririnig mo ay hikab at kalampag ng kundoktor sa gilid ng sasakyan na parang lumalambiting unggoy.

Yan na, nag-iiyakan na ang mga bata sa harap ng gate. Hindi ko alam kung kinakabog silang pumasok o talagang nakakatakot lang yun babaeng gwardya na parang warden. Nagpapasama pa sa loob ng klase ang iba, pero ako hindi ako papadala ng takot. Ang nagpapasama lang sa loob ay mga iyakin! Ayaw kong maging sentro ng panlalait at panunukso. Kaya humalik nako kay nanay at pumasok na sa loob. Sa unang palapag ang Grade 1 kaya tumuloy nako sa ikatlong palapag. Aakalain mong sementeryo ang bawat silid aralan dahil tahimik lahat ng estudyante at hindi pa magkakakilala, dahil ang ibang magkakaklase dati ay hindi na ngayon magkakasama. Halos lahat ay nagkakapaan palang ng ugali pero malakas ang kutob kong mga demonyita’t dominyitong nagbabalat kayo ang iba. Isa nako sa mga nagpapanggap.

About mgakwentonijuantamad

Habang inaabangang mahinog ang bayabas, dumapa muna ako't sumulat. Tingnan lahat ng paskil sa mgakwentonijuantamad

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: