TURISMO

Ilang kanayunan at bayan narin ang nilakbay ko para makita ang yamang lupa at dagat ng Pilipinas. Napadpad narin ako sa isa sa mga paupahan na mahal at mumurahing paglalagian. Natikman ang saksakan na mahal na makakain pati mumurahin na ulam. Nasilip ko rin ang kaliit-liitang butas na pagkukulang ng gobyernong lokal.

Alam kong may naaambunan ng biyaya sa paghahanap buhay. Pero sa kabilang banda, ay may anay na pwedeng makasira. Halimbawa nalang ay mga kainan sa tabing dagat o  pwesto na tanaw ang magandang kapatagan, na kulang nalang ay butasin ang bulsa mo’t pauuwiin ka ng pulubi. Kaya kahit pag-ipunan mo ang byahe palipad sa ibang isla ay kukulangin dahil sa magagasta pagtapak doon. Imbis na murang isda’t gulay ang dadatnan, ay mas mahal pa sa mga kainan sa Maynila. Binigay ng kalikasan ng libre pero tubong lugaw naman ang patong. Para tuloy pangmayaman at dayuhan lang ang pamamasyal. Kung maralita ka ay sa lansangan ka nalang maglalakad lakad at pagaganahin nalang ang imahenasyon sa mga larawan ng kalendaryo at pahayagan, hawak ang taglimang pisong palamig. Kaawa-awang Pilipino na kahit minsan ay hindi man lang nadalaw ang ibang lupain ng bayan.

Madalas ang mga lokal ay nabahiran narin, umaabuso dahil ang tingin sa lahat ng dayo ay may limpak limpak na salapi. Unting kibot, bayad dito, bayad dyan. Kahit na buko o lato na napupulot sa dagat ay may nakapataw ng presyo. Hindi ako magtataka kung ang pagkapwa tao ay reresibuhan narin. Kulang nalang ay maningil sila pagnagtanong ka ng lugar o kaya naman ay lumanghap ng sariwang hangin. Minsan nga ay hindi ka na papansinin dahil mas matingkad ang kulay ng dayuhan kumpera sa sarili nilang kalahi. Pagmatumal naman ang kita ay pag-aagawan ka nila at pag-uugatan pa ng away. Anarkiya ang sumatotal.

Ang malungkot pang katotohanan ay saksakan na ng dami ang negosyanteng dayuhan lalo na sa mga lugar na madalas pasyalan at tinatao. Kaya ang presyohan ng bilihin? Dolyares! Nilakad lang ang papeles at naghatak ng mapapangasawa para magnegosyo, pero nananaga na parang itak naman ang mga produkto, pero ang pasweldo ay tingi. Ano ang aasahan mo? Kung ano ang pagkaing kinagisnan ng banyaga, yun din ang putahe. Ang produktong lokal ay nasa bandang likod at halos wala ng bakas. Tipong pagnagtanong ka kung ano ba ang pangunahing produkto nila ay tutunga-nga lang sayo. Napuna ko na namamatay ang kultura ng isang lugar kung halos lahat ng negosyante ay hindi na lokal. Lumalaki rin ang bilang ng bahay parausan kada probinsya, dahil yun daw ang hilig ng kanluran. Nalalamatan ang kaugalian ng tao dahil sa pagiging ganid para kumita. Pasintabi, pero isang halimbawa nalang ay ang Boracay, paraisong isla dahil sa pulburon na buhangin, pero salat sa kultura. Mapayamang dagat o lupa ay kapos sa tradisyon. Parang Maynila na nilagyan mo lang ng baybayin. Magpapasayaw lang sila ng ati-atihan para masabing Pilipino. Isang malaking ilusyon. Ang magagandang bahagi pa ng isla at kagubatan ay ginawa naring pribado, nabili na ng sino mang hinayupak na may labis labis na pera. Ang kada-araw ay halos kapresyo na ng gamit na kotse. Dating birhen na isla ngayon ay isang presteryosong bahay bakasyunan na. Ang kapos sa pondo ay pinagbabawal dito.

Pagdating naman sa kabataan, ang hanap nila ay isang lugar kung saan pwedeng yumogyog sa malakas na kabog ng tunog. Kaya ayun, tatanga-tanga pagtinanong mo kung ano ba ang yaman ng lugar at kultura doon. Pumunta lang sila para magkalat at magpakalango. Hindi nila alam ang tunay na kahulugan ng bakasyon.

Maganda ang turismo kung mailalatag ng tama, hindi lang basta kana ng kana. Nawawalan tuloy ng gana ang iba na lakbayin ang ibang pulo na pinagmamalaki natin dahil walang diskwento pag-Pilipino.


ISANG ARAW SA BOHOL

Noong minsan ay naligaw sa Isla ng Bohol para maglibot at makilala ang lugar. Isang pagtakas para makawala sa nakakaumay na Maynila. Kaya nagpalamig, nagtampisaw at nag-unat unat muna. Imbis na ilarawan ko sa panulat ay hahayaan ko nalang ang palabas na ito para ilahad ang kwento.


kARSUNSILYO TV

Sundutin ang imahe.

Mga kapanalig kong mambabasa. Nahiligan ko ngayong gumawa ng video, para mahasa rin sa larangan na ito. Pero hindi ibig sabihin ay sinasantabi ko na ang pagsulat. Kung may oras ay panoorin ang mga likha na pupunit ng inyong pisngi, kung hindi man ay kahit abutan mo nalang ako ng ngiti. May mga kasamahan rin akong laking kalye para bigyan kayo ng lasa ng lansangan.


TUYOT

Matagal nawalay sa larangan ng pagsulat

Tangan ko ang lapis ngunit malamya ang hawak

Parang kasintahang matamlay ang yakap,

Komentarista na wala ng balitang makalap

Pasmadong mga palad at pumupugak na utak

Kada araw ay may lumalatay na panibagong sugat

Inaanod ng tabang tulad ng kuyapong nakababad

Patungo sa karagatan, kung saan pa maalat

Uhaw sa pangpang dahil pagod na sa paglayag

Ngunit paano ka lalaya kung ikaw ay tatahan?

Halos magkasayad, humihilab na ang tyan sa kabag

‘Wag akong ihalintulad sa iba dyan na may bayad


USO

Kada taon ay may nauuso. Damit, pagkain, kagamitan, salita, musika at samo’t sari pa. Mga bagito’t dalagitang namumuhunan sa panlabas na anyo. Minsan na akong napabilang sa kahibangan na ito, dahil ang binata ay likhang mapusok at radikal…sunod sa uso. Isang halimbawa nalang ay mga camera na ikinikwintas sa leeg. Masabi lang na may mamahaling gamit ay kailangan pa nila itong ibalandra. Pero kung susuriin ang mga larawang nakunan, ay walang kaanggulo-anggulo at kahit elementarya ay kaya itong gawin, na sana’y mumurahin nalang ang binili. Ang puhunan ay porma dahil wala na silang ibubuga pa kung wala nito. Isang patibong na magpapababa lalo ng tingin sa sarili hanggang maging marupok na ang panloob at aasa nalang sa kaanyuan. Kaawa-awang mga pinagpala ng talento, may kakayahan pero walang gamit. Pero ‘wag mangamba, ang panlasa para makalikha ng obra ay hindi napag-aaralan, ito ay likas. Kaya naniniwala ako na sa kahirapan ay may kalakip na sining. Hindi lang sa estado ng buhay kundi kahirapan sa lahat ng aspeto…kalooban, sitwasyon at espiritwal.

Noong pumasok ang bagong milenyo at pumatok ang mga manlalaro nating nakatanggap ng parangal, dito narin nauso ang mga disenyo, kanta, eksena, palabas at kasuotang makabayan. Makikita mo yan sa marka ng damit, mga palamuti sa katawan, telebisyon at maririnig sa himpapawid. Magandang simula ngunit sa isang banda ay malungkot isipin na bakit ngayon lang? Kailangan pa ba nating manalo ng timpalak at kilalanin sa ibang bansa bago natin ipagmalaki na tayo’y Pinoy? Kayumangging hayok sa pagpapaputi.  Sa kasaysayan ba naman ay namalagi ang Kastila, Amerikano’t Hapon at nakipagkalakalan pa tayo sa mga Tsino, talagang mababahiran ang kultura’t pagkatao natin. Pero pumutok ito noong dekada 80 at lumala noong kasagsagan ng dekada 90. Kung saan halos ayaw na nating magsuot ng gawa sa Pinas at hindi mabenta ang mga lokal na produkto, kaya’t marami ang nagsara’t nalugi. Yan tuloy, ang Pilipino ay isang lahing ligaw. Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit tayo naghihirap, maliban pa sa TATSULOK na nabanggit ko noong nakaraan na paksa. Ang pangkalahatang ikinikilos natin ay nakatuhog sa kabuuang resulta kung bakit hindi umuusad ang bansa natin. Halimbawa ay ang industriya sa paggawa ng mga produktong lokal, kung madalang ang bumibili, maliit lang ang kita. Kung maliit lang ang pinagkakakitaan, maaapektuhan ang kalidad at produksyon. Kapag walang kalidad, sino ba naman ang bibili? Tapos magrereklamo tayo na ang gawa sa Pinas ay madaling masira. Tayo rin naman ang may sala kung bakit marupok ang pagkakagawa, dahil walang tumatangkilik. Kaya magbabagsak nalang tayo ng ibang produkto dito, ano ang resulta? Kawalan ng trabaho sa mga manggagawa. Ganun din sa pelikula at musika. Paano makikilala o mailalaban ang musika at pelikula natin kung lahat ay gaya at adapsyon lang? Ang nangyayari ay sirkulo lang ng paulit-ulit na likha.

Ngayon lang tayo nanunumbalik sa katinuan at binabangon ang ala-alang naghihingalo, ngunit marami ng kasaysayan natin ang nangupas. Hanggang ngayon nga ay may bahid pa ang musika, pelikula, disenyo, wika at kilos natin. Ihalintulad nalang natin ang Pilipinas sa mga karatig bansa sa Asya. Pumunta ka sa mga bahay bahay, punahin ang mga damit, pakinggan ang mga awitin, tumingala sa mga gusali, panoorin ang mga pelikula, lasapin ang mga putahe at dumalo sa mga pagdiriwang. Ano ang mapupuna mo? Nakadikit ang kultura at kelan man ang pagiging makabayan ay hindi nauso sa kanila. Huwag ka sanang masasaktan, dahil maski ako ay wala ng mukhang ihaharap. Ang pag-aaral sa wika’t kultura at pakikipagkalakaran natin sa ibang bansa ay para sa pakikibagay at globalisasyon. Pero hindi ibig sabihin nito ay burahin sa ating pagkatao ang lahing pinag-ugatan. Sana nga, ang pagiging makabayan ay isang uso na hindi malalaos.


PARISUKAT SA TATSULOK

Madalas nating nakikita ang hugis na ito sa pera, senyas sa daan, marka ng damit, disenyo ng gusali at saan lupalop pa ng daigdig. Nailalahok pa nga ito sa ibang kanta at tula. Ang TAT ay hinugot sa salitang tatlo at ang kahulugan naman ng SULOK ay kanto o gilid. Para sa mga nagdadahilan na hindi sila nakapasok ng ito’y ituro, d’yan nabuo ang pinagdugtong na salita na ngayon ay sumisimbulo ng hindi pagkakapantay-pantay. Kahit balibaligtarin mo pa, ay may kapiranggot na nangingibabaw at lumalalang bilang ng pumapailalim. Ano ang dahilan? Walang limitasyon at hangganan ang pagpapayaman. Kahit sa kamatayan ay naipapasa pa ito bilang pamana sa mga uusbong pa na maghahari. Huwag mo akong hihiritan ng demokrasya at karapatang pantao, dahil hindi ramdam ang demokrasya sa kahirapan at nawawalan ng karapatang pantao kung isang kahig, isang tuka lang. Marahil ngayon ay pinag-iisipan mo na ako at laman narin ng bulong-bulungan na isa akong komunista, aktibista o kahit ano pang may ISTA na bansag. ‘Wag lang parlorista at susundutan kita ng sapak sa panga. Lilinawin ko, maaaring may pagkakahalintulad sa opinyon na ilalatag ko. Pero isa lamang akong hamak na rebolusyunaryong manunulat…tuldok! Bahala ka na kung ano ang gusto mong isipin…kokote mo naman yan.

Ang ibabaw ng nabanggit kong hugis ay ihalintulad sa huling piraso ng nginangata mong pagkain, kung tawagin ay huling kagat. Isang bahagi na ipagdadamot mo at ikaiinis kung maaantala ka sa pagsubo. Ang kabuuang lasa ay natikman mo na, ngunit kailangan mo pang simutin hanggang sa huling kagat. Yan ang isang butas sa paglikha ng pera, na pumalit sa barter o palitan noon. Walang nakasaad sa batas kung hanggang saan lang ang yaman ng isang pamilya o korporasyong pinanghahawakan nito, basta’t ito ay may papel at legal. Ito ang nakikita kong ugat ng kahirapan, ang kawalan ng pagkakataon para mapaunlad ang sarili. Bakit ko nasabi? May kakayahan ka para magnegosyo o kaya naman ay dalubhasa sa isang larangan ngunit salat sa puhunan. ‘E may isang negosyante na labis ang puhunan dahil sa limpak limpak na kita sa naglalakihan niyang korporasyon, imbis na ikaw ang maghatid ng serbisyo o pangunahing pangangailagan ng tao…sino ang may kakayahan ngayon? Kukunin ka nalang bilang manggagawa sa isang kumpanya. Kumbaga, ikaw ang susi ng tagumpay, pero ang negosyante parin ang magbubukas sa pintuan ng kayamanan. Ang oportunidad para umunlad ka ay mauudlot na.

Ang masakit pa dito, magpapataw ng buwis ang pamahalaan ngunit ipapatong lang ito sa presyo ng pangangailan natin. Para ang kabig ng kita ay hindi mabawasan sa panig nila. Madalas ang mga naglalakihan pang korporasyon ang hindi nagbabayad ng tamang buwis. Nahahanapan nila ng butas ang batas dahil may kakayahan sila para gawin ito. Halos walang magawa ang pamahalaan. Sa lakas at kapangyarihan nito sa merkado, kaya niyang pabagsakin ang ekonomiya ng isang bansa. Paano ka nga naman giginhawa? Kaya kakayod ka nalang habang buhay at sa susunod pang henerasyon.

Ihalintulad natin muli sa sugal, dahil nga sugarol ako. Ang naghahari sa lamesa ay ang may malaking puhunan. Walang tatapat sayo, kung sisindakin mo sila sa laki ng taya, lalo na sa may kapiranggot lang ang pondo, dahil nag-aalangan ka na makipagsabayan. Hindi ko sinasaad dito na kasalanan ang magnegosyo lalo’t kung ito ay tapat at umaasenso rin ang mga kasamahan mo, pero nagbabadya ang temtasyon para magkasala ang isang negosyante na maging Kapitalista. Bakit ko nasabing lagyan ng hangganan ang kayamanan? Wala naman kasing batayan kung hanggang saan lang ang dapat at nararapat. Kaya nagbabadya kang tumawid sa kasakiman, sa takot na malugi at maghirap.

Lalo na kung naipanganak ka pang mayaman at namulat sa karangyaan, hindi mo malalaman kung paano kumayod at maghirap dahil pinalilibutan ka ng mga libangan para maaliw at magliwaliw. Hindi mo na makita kung ano ang sapat at kalabisan. Maililihis narin sa’yo ang tunay na anyo ng kahirapan at isa ka narin sa matatakot na mawalay sa estado ng ginhawa. Ito na kasi ang kinalakihan mo. Maliban nalang kung matutunan mo ang ganap na pagpapakatao at paglilingkod, pero malamang ay hindi, dahil kung sakali man ay hindi na sana lumalaki ang populasyon ng naghihirap. Kinukulang ang bilang ng naglilingkod laban sa mga ganid at makasarili.

Naiimbak lang ang pera sa bangko para pamuhunan ulit ng susunod pang mga negosyo para sa walang katapusang kita, imbis na ang sobra ay maikalat sana para maipagpatayo ng mga ospital na libre ang serbisyo’t gamot, mapayabong pa ang agrikultura, paaralang kalidad ang edukasyon at mainam kung may matinong pabahay pa. Para marami naman ang makapulot ng biyaya at ang kinikita nila ay mailaan para pamuhunan rin sa negosyo’t makapaglingkod. Ang pinag-uugatan ng estadong TATSULOK ay takot. Lingid sa kaalaman ng naghahari-harian at makapangyarihan, na mabubura ang takot ng tao na maghirap kung lahat ay maunlad na. Sino ba naman ang kakapit sa patalim, manlalamang ng tao at tutuligsa sa tinatamasa mong ginhawa kung kapantay mo sila patungong kaunlaran?

Lahat ng labis ay nakasasama, kahirapan ang epekto ng kalabisan. Ang sagot sa hugis tatsulok…ay parisukat. Pagulungin mo man, pantay lang ang sukat.


PALAMIG

Bigo, sawi, talunan

Batikan sa larangan ng iwanan

Lango, sabik, talunan

Kumalas ang isa, nagmarka ang ilan

Bigo, sawi, talunan

Pausad ang araw, paatras ang hakbang

Lango, sabik, talunan

Ala-alang kinulob ng sintang pabaya

Mag-aliw, palamig ka muna

Magliwaliw at maging abala

Mag-aliw, palamig ka muna

Kabaliwa’y malapit sa mapag-isa

Mag-aliw, palamig ka nalang

Lumayo, mamasyal, maglibang

Mag-aliw, palamig ka nalang

Na may pandan, sago at gulaman.


Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 25 other followers