Category Archives: Nobela ni Juan

UNANG BAYTANG 12. Tuli

Pinagdadaanan lahat ito ng nagbibinata. Ito ang pinakamaselang usapin sa elementarya noon kahit hanggang ngayon, maliban pa sa regla na para naman sa nagdadalaga. Pero isa ito sa mga kinakatakutan, dahil maaari kang maging laman ng tuksuhan na “supot”. May nagbabadyang sapakan sa likod ng simbahan kapag nagkapikunan. Ang masakit lang ay kahit mabasag mo ang panga ng mapanglait na kamag-aral, supot ka parin. Madalas ay nagkakasilipin pa ng patutoy para lang mapatunayan sa korte na tuli ka na’t mapawalang sala. Pagnabanggit na sayo ng tatay mo na oras ng magpakalalaki ay binabalot ng dilim ang paligid at bigla kang manlalamig. Pero kailangan harapin ni manoy ang madugong kapalaran. Kailangan matalupan ang balat para dumungaw ang bumbilya, dahil ito lang naman daw ang masakit na bahagi ng pagbibinata, ang mga susunod ay maryang palad na’t pagsundot ng tahong. Kaya tumuloy na kami ng ospital para kilalanin ang tagahiwa.

Habang nasa daan ay binahagi sa akin ng tatay ko ang primitibong pagtuli. Sa probinsya kasi ito naganap at labaha lang ang uso noon, wala pang “Oplan Tuli” ang mga barangay. Ito ang eksenang rumolyo sa mapaglarong kaisipan ko.

PAALALA: Ang ipapalabas dito ay maselan. Ito ang pamamaraan ng pagtuli sa probinsya. ‘Wag ng panoorin kung mahina ang sikmura at baka maiduwal lang ang bituka.

Ito ang sukatan ng tapang noon ng mga bagito. Kung magtatago ka ay baka magbinata ka ng nangungunat ang balat. Baka lagari na o palakol ang gamitin sa malatsitsaron mong manoy. Ang malala ay baka mamuo pa ng kesong puti at laging mangamoy. “Kupal” ang tawag dito, na nausong bansag sa taong nuknukan ng sama ang ugali. Pagdating sa ospital, ay buong tapang ko na hinarap ang mga gunting at karayom ng pangpamanhid. Napag-isip isip ko, mapalad parin ang katayuan ko ngayon kung ihahambing sa pamamaraan dati. Baka kailangan pa nila akong igapos para hindi magwala sa sakit, kirot at hapdi. Halos dalawang linggo rin ang nilagi ko sa bahay na suot lang ang daster ni nanay habang paika-ikang maglakad. Ilang dahon din ng bayabas ang pinitas at pinakuluan para ipanghugas. Ingatan mo lang madungaw ng dalaga, dahil may kasabihan na baka mangamatis ang bumbilya.


UNANG BAYTANG 11. Ligawan

Pasok dito, labas dyan. Mabilisan na ang lahat ngayon. “Ayaw mo? ‘Di ‘wag, marami dyan ang papayag.” o kaya naman “Gusto mo ko, ‘di tayo na!” Hindi na uso ang kilig, bakit? Dahil nalimot na natin ang kahalagahan ng maliliit na bagay. Tulad ng harana (sino ba namang tukmol ang magngangawa ngayon sa silid ng bintana tangan ang gitara?), liham ng pag-ibig, yakap, hawak kamay at nakakalusaw na titigan. Nilamon na kasi tayo ng libog, yan ang kaakibat ng relasyon ngayon. Pero hindi dati. Maraming paraan kung paano suyuin ang napupusuan.

Sa paaralan, Recess noon, kasama ko ang kaibigan kong si Don, Floyd at iba pang tropa. Naparaan kami sa kantina at napatigil sa kagandahan ni Luisa. Kayumanggi, matangkad na dalagita, pwede nga akong buhatin at iwasiwas. Nataranta tuloy ako ng matitigan, namula at umiwas. Gusto ko mang kilalanin pero hindi pa ito ang tamang oras at baka mabulol lang ako…a…a…eh! Uso pa noon ang liham ng pag-ibig, ‘wag mo nga lang lalagdaan dahil may dapat na proseso yan kung kelan, paano at saan. Kumbaga ililihim mo muna ngayon. Dapat itago mo ang iyong pangalan sa isang palayaw o kaya naman ay unang letra ng pangalan mo. Guguhitan mo pa yun ng may iba-ibang kolorete. Kaya ang ginawa ko, nagnakaw ako ng  stationary sa kapatid kong babae. Babae lang kasi meron noon, binabae ka pagnangongolekta ka ng papel na mabango. Ang ganap na lalake, ninanakaw lang yun pagkailangan. Ang sulat dati ay parang sining, pinag-iisipan bago mo ilapat ang humahalimuyak mong papuri. Dito mo ngayon ilalagay ang saloobin mo. Ipapaabot mo ito ngayon sa kalapit niyang kaibigan o kaya naman ay kamag-aral. Inuukit pa nga namin sa lamesa ang pangalan ng naiibigan, kaya ayan, bako-bako! Ang tagyawat ay malapit sa mukha ng taong humahanga.

Ang susunod na hakbang, kukontsabahin mo ngayon ang isang kaibigan na babae na may slam book. Ipapasulat naman ngayon kay Luisa yun para makita ko kung anong hilig niya na kulay, pagkain, pasyalan, pananaw niya sa buhay at pag-ibig, opinyon, tipong lalake at kung ano-ano pang kabalbalan. Ibabase mo na ngayon ang panliligaw mo sa gusto niya. Panis! Puntos muna ngayon.

Mahal ang rosas at hindi pa kaya ng sampung piso kong baon. Kaya ano ang solusyon? Mamitas ng bulaklak ng santan, syempre sasabayan mo narin ng unting sipsip at matamis kasi ang katas ng tangkay. Ipapaabot mo ulit yun, hayaan mo muna siyang kiligin at magtaka kung sino ba ang kanyang lihim na tagahanga. Sa gitna ng klase, magpapalusot ka ngayon na iihi ka. Tsaka ka dadaan sa silid aralan niya at tatanawin kung nandoon ba ang dilag. Pagsumulyap, kulang nalang ay maglupasay ka sa paraiso!

Pagpadpad ko sa palikuran, susulatan ko yun bungad na pader ng pangalan niya. Baduy? Paano mo masasabing baduy, yun nga ang uso noon puta. Pag-uwian na, syempre maglalaro muna ang lahat bago umuwi, dito ka ngayon magpapasikat. Ipapakita mo na ikaw ang hari ng agawan base, sipa, langit lupa, atbp. Kaya malupit ang pagsasanay namin noon para mapahanga lang ang dalagita.

Palilipasin mo ang ilang buwan na paulit-ulit lang ang ganoong sistema. ‘Wag mo nga lang sosobrahan at ikaiinis na niya yun. Oras na para tanggalin ang maskara at ipakita ang tunay na anyo ng ginoong humahanga. Nakita ko si Luisa sa ilalim ng puno’t nagsusulat ng kanyang takdang aralin. Lumapit ako at marahang binigkas, “Ako nga pala ang nagpapadala sayo ng sulat.” Parang magigiba ang mundo sa lakas ng kaba. Pinaupo niya ako ngayon sa tabi niya at sumagot ng ngiti. Alam mo na siguro ang ibig sabihin nun.

Pero hindi naging kami. Masyado pa kaming mangmang para pumasok sa relasyon. Ang nangyari ay isang kasunduan lamang na “Uy ‘wag kang magpapaligaw.” (sabay hawak ng kamay) Ang hawakan ng kamay noon ay katumbas na ng laplapan ngayon. Maiihi ka sa kilig.

Lumipas ang ilang buwan at may nanuyo na sa kanyang iba. Masakit, pero bahagi ng kwento yun. Ito’y pagsasanay lang sa susunod na baytang…ang Sekondarya.


UNANG BAYTANG 10. Bintana ng Kamalasan

Sa kwarto naming magkakapatid, ugali kong gumuhit sa pader. Basta kung ano ang maisipan, sige guhit lang! Mapang-akit sa mga bata ang makinis na pader at tubig baha. Kahit marumi, magtatampisaw yan. Akala kasi namin ilog na lumitaw sa gilid ng kalye. Para nga kaming mga tanga at gumagawa pa kami ng pamingwit, butete lang naman pala yun nakikita namin sa kanal.

Maulan noon, nasa labas kami ni Bukol at Tomtom. Naglalaro ng bangkang gawa sa tansan ng litro. Sa kabilang paupahan ay may dalagitang lumabas sa pinto. Napatigil lahat ng bagito’t napatitig sa kagandahan ng babae. Alam mo naman pagbata, tumingin lang sayo ang babae ay para ka ng itlog na pula. Lalo na kung ngingitian ka, hay langit! Madalang lang pala siya lumabas, simula noon, marami ng kalalakihan ang nag-aabang sa lahat ng dako. Sa puno ng alatiris, sa bubungan at pader. Akala mo nga mga uwak. Masulyapan lang siya ay kumpleto na ang araw. Yun iba nga kung makapagsalita ay parang inaangkin na si Lyca. Isa na roon si Bukol na madalas na sinasabi “Pare, akin yun. Walang aagaw!”.  Ang tigas nga! Parang sila na. Pagnandyan na bahag naman ang itlog. Pasikat ang lahat basta makita na namin siyang lumabas. Mga tsope naman dahil hindi man lang makalapit at walang lakas ng loob na makipagkilala.

Minsang nasa kwarto ako at binababoy ang pader, biglang may sumitsit. Alam mo naman ang bata, malawak ang imahinasyon kaya kinabog ang dibdib ko. Pakiramdam ko tuloy may dwendeng gustong makipagkaibigan sakin, pero imbis na pangunahan ng takot ay minura ko ang paligid. Aba! Minura rin ako pabalik. Pagsilip ko sa kabilang bintana ay hindi ko maaninag kung sino dahil nangingitim na sa alikabok at sapot ng gagamba ang salamin. Hinamon ko ngayon ng suntukan yun bata at nag-amok na sa labas ng kalye kami magkita para magbakbakan. Tumakbo ako ngayon palabas, pagsilip ko ay galit na nag-aabang si Lyca. Siya pala yun sumitsit sakin. Nagboses lalake kasi kaya hindi ko nahalata. Magkatapat lang pala yun kwarto namin. Pagkakataon na sana para makilala ang dilag pero nasampal ako ng wala sa oras. Wala naman akong magawa dahil babae, alangan naman na sungalngalin ko? Ngayon ay isa na akong pusong sawi. Siya na sana ang magbibigay sa akin ng unang halik, napurnada pa ang puta!

Nag-isip ako ngayon kung paano makabawi, kaya tuwing umaga, bago ako bumili ng pandesal ay inaabangan ko siya lagi sa kanilang pinto para humingi ng tawad. Sa hindi inaasahang pagkakataon, sa tabing bahay nila ay may bintana. May narinig akong umuungol. Isang ungol ng pakikipagtalik. Sino ba naman ang hindi sisilip di ba? Dumungaw ako at ang bumungad sakin ay ang pulis nilang kapit bahay na sarap na sarap habang nakapatanong. Sakto namang napatitig sakin si hepe, kumaripas ako ng tabo kaya hinabol niya ako sa labas na nakatapis bitbit ang baril. Ang malas nga naman pag-umatake! Tinutukan niya ako ng boga at nakatanggap pa ng mura. Ayaw niya akong paniwalaan na hindi ako namboboso. Kinutongan ako’t binantaan. Namumula na ako sa galit. Hindi ko naman siya mabanatan at baka hindi tumalab suntok ko.

Kinaumagahan, nagdala ako ng pentel pen na iba-iba ang kulay. Maaga pa masyado at padungaw palang ang araw. Lahat ng galit ay iginuhit ko sa pintuan ng pulis. May larawan ng ari ng lalaki, tapos salitang “Putang-ina mo” na may iba-ibang kulay. Isang obra mo ngang matatawag. Sining na punong-puno ng paghihimutok at puot. Sakto at sa tabing bahay pa nila ay may gripo’t hose. Binutasan ko ang screen ng bintana, pinasok ko ng marahan ang hose at binuksan ang gripo, sabay takbo na! Basang basa ang loob ng bahay ng parak, at galit na galit itong lumabas paggising. Nagtago muna ako sa bahay at hindi muna lumabas ng ilang araw. Mahirap na, baka mapaghinalaan.


UNANG BAYTANG 9.Pilyong Panganay

Sumapit ang aking kaarawan. Syempre ikaw ang bida, kaya dapat gayak na gayak ka, kahit nasa bahay ka lang dahil magpupuntahan ang lahat ng kamag-aral mo’t kaibigan. Naghanda si nanay ng pansit at kung ano-ano pang inihaw. Wala na ngang mapaglagyan sa hapagkainan sa dami ng nakalatag. Tinadtad din ng lobo ang bahay na may naka-imprentang pangalan ko, sa dami ay pwede akong ilipad sa kalawakan. Sinilip ko ang oras at baka namamalikmata lang dahil makulimlim. Alas-8 na pala pero bakit hindi pa nakadungaw ang araw? Putang-ina biglang bumuhos ang napakalakas na ulan! Ilang oras lang ay binaha na ang kalye namin. Tinawag ko na lahat ng santo para lang mapatigil pero mukhang sinumpa akong anak. Nilangaw ang handa, kahit kapiranggot na bata ay walang dumalo.

Namumugto na ang aking mga mata, isang luha nalang ang pipirma at hahagulgol nako ng iyak. Ang babae kong kapatid na sumunod sa akin ay dinaliri ang handa kong cake, na hindi ko pa nahihipan ang kandila. Dito na sumabog ang galit kong kinikimkim na parang bulkang bumubulwak ng nagbabagang putik. Naghorimintado ako, habang inaawat ay nakatanggap pa ako ng lumalagapak na mga palo kay lola dahil kinampihan pa ang maldita. Nag-iisang babae kasi kaya bigay lahat ng hilig. Ako pa ang may mali, may kaagyat na sumpa talaga ang pagiging panganay. Ang kasambahay namin na si Nanang Lumen ay humahalakhak pa. Dito na binalot ang puso ko ng paghihiganti at puot. Nagkulong ako sa kwarto at naghanda para sa nalalapit na digmaan. Napa-isip ng plano kung paano makabawi. Ang pagbabalik ng rebeldeng anak!

Kinagabihan, tulog na ang lahat. Nanghuli ako ng dagang bahay sa labahan namin dahil doon lumulungga ang mga peste. Sa wakas ay nakabingwit ng isa. Pumunta ako sa kusina’t pumuslit ng siling labuyo pagkatapos ay pinasok ko ang kabilang kwarto para pumitik ng mga karayom sa makinang pantahi ni lola. Humahalakhak ang demonyitong namamalagi sakin.

Kinabukasan, maaga akong nagising. Ito na ang tinakdang araw para maisagawa ang masamang balak. Inabangan ko sa labas ang nagrarasyon ng pandesal. Bago ko ipasok ay dinikdik ko lahat ng siling labuyo’t pinalaman sa tinapay. Pagpasok sa pinto tangan ko na ang daga, dahil alam kong nakanga-nga laging natutulog si Nanang Lumen. Hinampas ko muna ito sa pader para mahimatay at marahan na sinalpak sa kanyang bunga-nga ang peste. Sa paboritong upuan naman ng kapatid ko ay tinusok ko patayo ang mga karayom. Bumalik muna ako sa aking higaan para hindi mahalata kung sino ang salarin. Sumigaw ng malakas si Nanang Lumen habang nabibilaukan pa, “Daga!” Nabulabog ang lahat at tumakbo pababa. Nagtinginan lahat sa akin, pero dinaan ko lang sa hikab. Si lola ay may suspetsa na kung sino. Nakahain na ang almusal, sabay upo ng kapatid kong babae. Hindi maipinta ang mukha niya sa kirot. Isa-isa nilang tinanggal ang karayom sa puwetan. Pumunta muna ako ng kubeta para hindi pagdiskitahan kaagad. Tinagalan ko muna at alam kong may nag-aabang ng ratan sa puwet ko. Sa loob ay rinig kong nag-uunahan silang makainom ng tubig sa anghang ng pandesal. Humahagikhik ako sa loob, sa wakas ay tagumpay ang plano. Sa ilang sandali pa ay hinihiyaw na ni lola ang pangalan ko. Pakiramdam ko tuloy ay para na akong bibitayin. Ang hindi niya alam ay pinalamanan ko na ng tiniklop na mga dyaryo ang suot kong salawal. Handa nako sa paghuhukom. Hinusgahan na ang nasasakdal. Ako ang may sala!

Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at pingot ang sumalubong sakin na halos mapilas na ang tenga. Pinatuwad nako sa bangko pero walang bakas na takot sa’kin. Handa ko ng tanggapin ang latay ng ratan. Rapido ang mga palo, nagtaka lang si lola kung bakit naiinda ko ang mga hampas. Napuna niya na may papel na lumalawit sa hita ko. Dito na nagtatatakbo ang kontrabida, habang nagmamakaawang humihingi ng tawad. Humampas ako sa pinto dahil punyeta, hindi ko man lang nakitang nakasara! Para sana maka-eskapo. Yan tuloy, lasog-lasog na nga ang hita, nakaluhod pa sa bilao ng asin habang tinatapos lahat ng misteryo sa rosaryo. Kapalit ng isang matamis na paghihiganti.


UNANG BAYTANG 8. Ang Cubao

Pumatak na ang linggo. Araw ng pananampalataya. Kailangang isuot na naman ang makating polo at baston na pantalon. Ang hawi dapat ng buhok ay nasa gilid. Pwede ngang manalamin sa kintab ng sapatos ko. Pagdating sa simbahan ay aakalain mo na matimtimang nagdadasal, ang diwa ko’y kinain na pala ng antok. Yan tuloy, halos matuklap na ang balat sa kurot ni Nanay. Pagkatapos ng misa ay bibili kami sa mga naglalakong madre ng kutsinta, puto at bibingka na binudbudan ng niyog. Ang iba ay ang babait kapag binebentahan ka, pero pagnakasalubong mo naman sa loob ng paaralan ay ‘di ka man lang mangitian.

Pumara na kami ng sitak na Gemini, hindi para umuwi, kundi ay magliwaliw muna. Kalat sa mga sitak ang sticker ng mga babaeng nakabukaka.”Basta driver, Sweet Lover,” nauso yun kasi malaki pa ang kita nila. Sa laki ay pwede silang magbahay ng dalawang pamilya at higit pa. Napaso narin ang kasabihan at kahit aso, ayaw na nilang mag-alaga sa tumal ng kita. Kainitan ng Cubao noon at ang pinakamatayog pa na gusali ay ang Isetann. Sa kalayuan palang ay matatanaw mo na. Ngayon kasi ang mga pinapasyalang mall ay parang kontinente, maliligaw ka pa pagtatanga-tanga ka. Syempre, ang nakasanayan na namin na pansitan muna kami manananghalian, hele-helera ang kainan doon, na hindi mo naman maintindihan ang pangalan dahil tsinoy ang may-ari. Wag ka lang magkakamaling tumawid sa tapat dahil haharangin ka ng mga tinderang nagbebenta ng mga pantalon at damit. Dudumugin ka na parang bagong saltang preso na panggagahasa ang kaso. Malapit pa yun sa orihinal na COD kung saan nagpapalabas ng gumagalaw na manikin tuwing sasapit ang pasko. Pagkatapos kumain ay diretso sa Fiesta Carnival. Magpapakahilo muna sa umiikot na kabayo’t tasa at lilibutin ang buong karnibal sakay ng tren na may unanong nakakatakot. Paano sila kikita kung ganun ang bubungad sa’yo? Tapos dilat ang mata’t sasabihing “Halika, sakay na.”

Ang Shoe Mart naman ay literal na bilihan ng sapatos. Ngayon lang naman nagpakonyo ang SM pero dati ay pugad ng mangingikil. Kalat na kalat ang sinehan noon, isa sa mga sikat ay New Frontier at Act Theater. Pahirapan pa ang manood, uso ngang umupo sa sahig kapag punuan. Walang pagkakaiba sa bus, agawan ng mauupuan. Ngayon ay sarado na ang iba at ang mga naiwan ay motel na ng mga nagsusubuang lalakwe.

Buhay na ang Araneta noon at kagagawa lang ng Farmers Plaza. Ang sikat na bilihan ng mamahalin na laruan ay ang yumaong Uniwide. Na pagnapadaan kami ay magsasalita kaagad ang nanay ko “O walang magpapabili, ingat at baka may masanggi, ikaw ang ibabayad ko!” Napaisip tuloy ako kung ilang bata na ang naibayad sa kahera. Madalas pa magkawalaan ang mga bata, kaya mabenta ang mga guard sa mikropono, aakalain mong komentarista ng radyo. Bago umuwi ay dadaan muna sa Plaza Fair para magpahangin sa pinto nila. Iwas nga ang ibang matatanda sa pasukan, dahil baka liparin ang peluka.

Pagdating sa kanto malapit sa inuupahan naming bahay ay nagpaiwan muna ako para kumain ng nilagang itlog na parang toknene. Ginutom kasi ako sa paglalakad.


UNANG BAYTANG 7. Away Bata

Simula noon ay naging kadikit ko ng kaibigan sila Bukol at Tomtom, sa away at ginhawa. Ang kalahating parte ng Anapolis sa Cubao ay nagsilbing pugad naming mga bubwit. Madalas kasi naming makaaway ang mga bata sa bandang baba, malapit sa palengke. Nepa Q-mart pa yun noon. Nagkaangasa’t nagkasagutan sa kanto ng New York, kaya yun away na. Ang sapakan dati ng mga bagito ay may integridad pa at palabra de honor. Hindi kami basta nagsusugudan o biglaang aatake sa kampo ng kalaban. Magkakaroon pa ng pagpupulong kung saan gaganapin at itatakda ang oras ng suntukan. Tapos gagawin namin yun sa bakanteng lote na matalahib, sa likod ng mga naglalakihang karatula na pinapalabas at ipapalabas palang sa sinehan. Hindi pa uso ang dambuhalang imprenta nun kaya guhit kamay lahat, yun nga lang ang mga mukha ng artistang ipinipinta ay hindi naman kamukha o kundi naman ay may dipekto. Tapat pa yun ng nasunog na Uniwide. Kung matalo ka man ay haharapin mo ang kahihiyan ng ilang linggo’t magkukulong muna sa bahay, pero ang kagandahan nun ay matututunan mong tanggapin ang pagkatalo. Pumaikot na ang mga bata para manood ng tupada. Naghihiyawan pa nga at nagkakantsawan. Doon nauso ang panggatong na salitang “Sige nga, hawakan mo nga sa tenga.” Ang susunod na eksena ay rumaratrat na kamao at nagliliparang mga tadyak. Bahala na kung saan tatama. Pagmay napilasan na ng balat sa mukha ay kanya-kanya ng awat at bati-bati na. Sa muling pagkikita nalang kung sakaling magkainitan ulit. Si Bukol ang lagi naming pambato. Kaya nadagdagan na naman ng peklat sa mukha at poknat sa ulo. Ako naman ay ang gatong pangdangal at si Tomtom ang taga-awat.

Ilang panalo at pagkatalo narin ang pinagdaanan namin. Kung walang pagkakaabalahan ay madalas kaming magmuni-muni sa mga tangkay ng puno ng alatiris sabay pitas ng bunga at rekta na sa bunga-nga. Hindi kami mahilig sa tsitserya pero bumibili kami dahil sa laruang nakapaloob dito. Kung may matira pang barya sa baon naming tumatagingting na sampong piso ay bibili kami ng palamig o kung marami-rami pa ang pera ay softdrinks na kinikiskis pa ang likod ng tansan at baka sakaling may mapanalunan. Kung wala mang premyo ay itatago nalang namin ito para magamit pa pagpatak ng tag-ulan para gawing bangka sa rumaragasang tubig ng estero. Ang ibang laruan ay gawa-gawa lang namin. Tulad nalang ng tirador na gawa sa makapal na alambre. Tapos bibili nalang kami ng goma sa suking tindahan at lastikong panali. Paggawa na ay aabangan namin ang kanong nangungupahan sa kabilang bahay na nakasalawal lang habang nagdidilig. Sapul! Basag ang itlog.


UNANG BAYTANG 6. Akyat Bahay

Pagbiyernes ay asahan mong maraming batang naglalaro sa labas at nagdidiwang dahil alam nilang kinabukasan ay walang pasok. Tanghali palang ay kalat na kami sa kalye dahil ano nga ba naman ang gagawin mo sa loob ng bahay kung ganung oras ay walang koryente at hapon pa magkakaroon? Magmumukha ka lang oso sa loob ng kwebang madilim.

Nagagalit pa ang mga magulang noon kapag ‘di ka natulog ng tanghali, kaya nagpipikit-pikitan nalang ako’t kinakamot-kamot ang mata para medyo mamula at mukhang bagong gising. Minsan kailangan pa ng tulong ng sibuyas para maluha-luha’t haluan ng konting hikab para kapani-paniwala. Kailangan daw matulog para mabilis tumangkad, hindi ka nga makaidlip sa kati ng bungang araw sa init.

Nauna kong natanaw sa bintana ang mga batang bagong lipat. Nakuha nila ang atensyon ko sa galing nilang maglaro ng tambling. Bigla akong inaya ni Tomtom kaya kailangan kong magpakitang gilas sa pamamagitan ng Diablo. Napabilib sila kaya dito na kami nagkasundo ni Bukol.

Nahiligan namin ang magsabong ng gagamba. Naglalaro sa halagang sampu hanggang bente pesos ang isang gagamba depende sa uri kung gagambang talahib ba, gagambang demonyo na may sungay pa sa likod, gagambang koryente na kulay itim, gagambang saging na may tuldok sa likod at samot saring lahi ng gagamba. Astig kami dahil ang ibang bata sa posporo lang ang bahay ng gagamba nila, sa’min ay isang kaha na may salamin pa. Kaya kumpulan kapag nilabas na namin ang pambato. Para din mga atleta ang mga alaga namin dahil araw araw may pagsasanay. Kada isa ay ilalagay mo sa tingting at kakalabit-kalabitin mo ang galamay, pagtapos ay lalaglagan ng dahon ng sili para tumapang. Madalas mo dapat ginugutom para hayok na hayok sumunggab pagdwelo na. Ang kabilin-bilinan pa ng tinderong kulot ay ‘wag daw laging pakainin ng gagambang bahay dahil baka raw maduwag. Pero sa hirap ng buhay, sinuway parin namin dahil kung ang tao ngang gutom ay hindi namimili, gagamba pa kaya?

Suki kami sa mga bubungan at pader para lang manghuli ng biktimang pangtsibog ng alaga namin. Sana’y na kaming umilag sa nagliliparang tsinelas at mga lolang nanghahabol ng walis tambo, dahil madalas kaming makabulabog.


Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 25 other followers