Category Archives: Kasalukuyan

PINTAKASI Film

PINTA*KASI

MMFF New Wave Best Indie Film
MMFF New Wave Best Actor | JM De Guzman bilang TIKBOY

PAALALA:

FEBRUARY 8, 2012
SM Cinemas:
Fairview | SM North Edsa | Marikina | Megamall | MOA | Cebu | Ilo-Ilo

FEBRUARY 29, 2012
SM Cinemas:
Baguio | Batangas | Davao

Official Entry for Metro Manila Film Festival: New Wave Section
Inihahandog ng Creative Media of the Philippines (CREAM)
SoundTrack: http://soundcloud.com/karitela-music

Si DJ, isang ulilang pintor, na tumungong Maynila’t napadpad sa Isla Pulo, kung saan nanirahan siya sa kanyang tiyuhin na si Kernel. Taliwas ito sa kinalakihang nayon, kaya nanibago pa sa palakad at sistema ng lugar. Kung saan si Tikboy ang nagpapatakbo ng mga kalakaran, para may pantawid gutom ang sino mang dumikit sa kanya. Binabago ang kaugalian ng tao dahil sa kalagayan at ginagalawang lipunan. Isa narin dito si Josie, ngunit hindi nagpadala si DJ sa mga naranasan at hinain sa kanya ni Tikboy. Natututunan niya ang iba pang uri ng sining sa kalye, na ginamit niya para maging instrumento ng pagbabago. Dinala niya ang kaugalian sa kanayunan, na inakala nating babaguhin siya ng Syudad.

Mula sa Direksyon ni

LEE MEILY

Produkto ng

CREAM

Creative Media & Film Society of the Philippines

Pangunahing Tauhan:

Erich Gonzales

bilang si JOSIE

JM De Guzman

bilang TIKBOY

John Wayne

bilang si DJ


TURISMO

Ilang kanayunan at bayan narin ang nilakbay ko para makita ang yamang lupa at dagat ng Pilipinas. Napadpad narin ako sa isa sa mga paupahan na mahal at mumurahing paglalagian. Natikman ang saksakan na mahal na makakain pati mumurahin na ulam. Nasilip ko rin ang kaliit-liitang butas na pagkukulang ng gobyernong lokal.

Alam kong may naaambunan ng biyaya sa paghahanap buhay. Pero sa kabilang banda, ay may anay na pwedeng makasira. Halimbawa nalang ay mga kainan sa tabing dagat o  pwesto na tanaw ang magandang kapatagan, na kulang nalang ay butasin ang bulsa mo’t pauuwiin ka ng pulubi. Kaya kahit pag-ipunan mo ang byahe palipad sa ibang isla ay kukulangin dahil sa magagasta pagtapak doon. Imbis na murang isda’t gulay ang dadatnan, ay mas mahal pa sa mga kainan sa Maynila. Binigay ng kalikasan ng libre pero tubong lugaw naman ang patong. Para tuloy pangmayaman at dayuhan lang ang pamamasyal. Kung maralita ka ay sa lansangan ka nalang maglalakad lakad at pagaganahin nalang ang imahenasyon sa mga larawan ng kalendaryo at pahayagan, hawak ang taglimang pisong palamig. Kaawa-awang Pilipino na kahit minsan ay hindi man lang nadalaw ang ibang lupain ng bayan.

Madalas ang mga lokal ay nabahiran narin, umaabuso dahil ang tingin sa lahat ng dayo ay may limpak limpak na salapi. Unting kibot, bayad dito, bayad dyan. Kahit na buko o lato na napupulot sa dagat ay may nakapataw ng presyo. Hindi ako magtataka kung ang pagkapwa tao ay reresibuhan narin. Kulang nalang ay maningil sila pagnagtanong ka ng lugar o kaya naman ay lumanghap ng sariwang hangin. Minsan nga ay hindi ka na papansinin dahil mas matingkad ang kulay ng dayuhan kumpera sa sarili nilang kalahi. Pagmatumal naman ang kita ay pag-aagawan ka nila at pag-uugatan pa ng away. Anarkiya ang sumatotal.

Ang malungkot pang katotohanan ay saksakan na ng dami ang negosyanteng dayuhan lalo na sa mga lugar na madalas pasyalan at tinatao. Kaya ang presyohan ng bilihin? Dolyares! Nilakad lang ang papeles at naghatak ng mapapangasawa para magnegosyo, pero nananaga na parang itak naman ang mga produkto, pero ang pasweldo ay tingi. Ano ang aasahan mo? Kung ano ang pagkaing kinagisnan ng banyaga, yun din ang putahe. Ang produktong lokal ay nasa bandang likod at halos wala ng bakas. Tipong pagnagtanong ka kung ano ba ang pangunahing produkto nila ay tutunga-nga lang sayo. Napuna ko na namamatay ang kultura ng isang lugar kung halos lahat ng negosyante ay hindi na lokal. Lumalaki rin ang bilang ng bahay parausan kada probinsya, dahil yun daw ang hilig ng kanluran. Nalalamatan ang kaugalian ng tao dahil sa pagiging ganid para kumita. Pasintabi, pero isang halimbawa nalang ay ang Boracay, paraisong isla dahil sa pulburon na buhangin, pero salat sa kultura. Mapayamang dagat o lupa ay kapos sa tradisyon. Parang Maynila na nilagyan mo lang ng baybayin. Magpapasayaw lang sila ng ati-atihan para masabing Pilipino. Isang malaking ilusyon. Ang magagandang bahagi pa ng isla at kagubatan ay ginawa naring pribado, nabili na ng sino mang hinayupak na may labis labis na pera. Ang kada-araw ay halos kapresyo na ng gamit na kotse. Dating birhen na isla ngayon ay isang presteryosong bahay bakasyunan na. Ang kapos sa pondo ay pinagbabawal dito.

Pagdating naman sa kabataan, ang hanap nila ay isang lugar kung saan pwedeng yumogyog sa malakas na kabog ng tunog. Kaya ayun, tatanga-tanga pagtinanong mo kung ano ba ang yaman ng lugar at kultura doon. Pumunta lang sila para magkalat at magpakalango. Hindi nila alam ang tunay na kahulugan ng bakasyon.

Maganda ang turismo kung mailalatag ng tama, hindi lang basta kana ng kana. Nawawalan tuloy ng gana ang iba na lakbayin ang ibang pulo na pinagmamalaki natin dahil walang diskwento pag-Pilipino.


PITAKA

Matamlay, nasisiphayo at nakatunga-nga. Balikan natin ang dahilan kung bakit.

Pauwi na noong isang gabi, kakatapos lang manood ng sine. Dumaan muna ako sa opisina dahil dumating na raw ang sweldo. Kinuha ko narin pati yun sa ka-opisina ko’t halos magkalapit lang ang bahay namin. Pauwi ay isang masayang kwentuhan pa ang nangyari sa loob ng sitak. Halakhakan dito at tawanan d’yan. Pumatak ng dalawang daan yun metro, pagkabayad ay bumaba na’ko at hinagilap ang susi para buksan ang pinto. Madaling araw narin kaya bagsak na ang mga mata sa pagod. Isang maliit na salo-salo ang magaganap mamaya, kailangan maghanda. Nagising ako ng maaga para magayak at mamalengke. Ako kasi ang kusinero sa bahay.

Paalis na nga lang ako at lahat, hindi ko mahagilap ang pitaka ko na saksakan ng kapal. Tumatagingting ng dalawampu’t anim na libo ang laman. Taglilimang daan na nakahelera pa’t lumalagutok sa lutong. May kasama pang tatlong tag-isang daan at dalawang bente pesos. Hinalughog ko ang buong bahay, pero isang bigong paghahanap. Nanlumo ako sa nangyari. Napaupo, tumungga ng alak imbis na kape at nagsunog ng baga sa sunod-sunod na hithit ng sigarilyo. Halos tumawid na sa panandaliang kabaliwan.

Napagtanto ko, nawawalan pala ng halaga ang pera pagpinaghirapan. Mapa bilyon, milyon, libo o daan pa yan. Isa lang ang pakiramdam, mahapdi sa dibdib pagnawala. Buti sana kung kita sa putahan yun o droga, hindi mahirap lustayin o kahit man malaglag, matatanggap mo kaagad dahil mabilisang pera. Ngayon ko naintindihan kung bakit kahit limampung piso ay pinag-aawayan pa ng iba. Hindi naman pala talaga pera ang pinag-ugatan, kundi ang pawis, pagod at puyat na pinuhunan para kumita.

Pero kahit papaano, tumuloy parin akong mamalengke. Kumbaga sa teatro, kahit anong mangyari, kailangang matuloy ang palabas. Pagbalik ko sa bahay ay matamlay akong nagluluto, binuhos ko nalang ang puot, lungkot, asim at alat sa putahe. Dumating na ang mga kamag-anakan at oras ng magsalo-salo, wala akong gana kaya nagmukmok muna ako kapiling ang mga pananim kong gulay sa bakuran.Lumabas ang aming kasam-bahay at sinabing “Wala talaga kuya, kahit sa kasuluksulukan ng mundo hinanap ko na. Sayang yun pera, sa Samar, 5 bangka na ang mabibili noon.” tugon ko “Dapat pala binilan ko nalang ng bangka ang asawa mo, tapos yun apat na matitira patatakbuhin nalang natin. Kumita pa sana tayo ng 40 pesos kada banka. Kung swertehin, 80 kabig.”

Nakwento niya kasi sakin na 40 pesos ang kada byahe ng bangka sa pulo para maghatid ng troso’t gagawing uling. Pagkatapos ay ibebenta nila ito sa bayan. Madalas ay nakakaisang hatid lang sila at madalang lang makadalawa. Isipin mo yun, 40 pesos kada araw para sa ikabubuhay nila. Isang kaha lang yun ng yosi dito sa Maynila. Hindi tuloy nakatulong ang sinabi ni Jemma, lalo pang binalot ng panghihinayang ang sarili kong pabaya.

Tinulog ko nalang ang pighati, pero hindi ako tinantanan sa panaginip. Binuyo ako ng demonyo at gumawa ng eksena sa isipan ko. Pinaniwala niya akong naibalik na sa akin ang pera…at aba, nakangiti pa! Kaya paggising, lalo lang lumala ang sitwasyon, parang binubulungan akong kumapit sa patalim. Ginamit ang kahinaan ko para lalo pa akong umasa at maging desperado para gawin lahat ng paraan para maibalik ang pera. Bumalik ulit ang anino na minsan ng bumalot sa akin para magtulak at magtawag ng pasada na byaheng langit. Sumagi rin sa isip ko na isangla o ibenta ang iba kong ari-arian na parang hayok na gumagamit at pababa na ang tama.

Pero…pumalo ang katinuan. Buti nalang at humampas ang simoy ng hangin sa bintana…nahimasmasan ako. Kailangan mo palang magnilaynilay muna at ilang oras na katahimikan para humupa ang utak mong naalog. Ang katahimikan pala minsan ay hindi nakabibingi, nakakapagpakalma rin. Ang kasiraan pala ng tao ay nanggaling sa emosyong pabigla-bigla. Parang gatilyong pinutok, wala ng balikan pagnapindot mo na’t bumaon ang tingga.

Makakausad ka lang kung natanggap mo na ang pagkabigo’t pagkukulang. Pagnaabot muna ang dulo ng iyong kalungkutan kailangan mong tanggapin na wala ng pag-asa, para maghanap ka ulit ng panibagong aasahan. Kaya ‘di na ako umaasang maibabalik pa sakin ang pitaka. Kaya kung sino man ang nakapulot, ibayad nalang niya sa impyerno. Doon tumatanggap sila ng pera.


BARBERYA

Parang talahib na ang buhok ko at kailangan magpatabas. Sa init ay hindi ko kailangang magpakapal, dapat presko. Lumakad na ako’t sumakay ng tryk. Pagbaba sa tapat ay namukaan kaagad ako ng suking barbero’t kumaway. Sampung taon ko ng kilala ang manggugupit, simula pa ng namamasukan palang siya. Ngayon ay nagsarili na’t nagtayo ng barberya. Siya na ang kahero ngayon. Dati kasi 30 pesos lang ang kabig kada gugupitan. Paano nalang kung matumal? Pamasahe, pagkain, upa, bayarin sa bahay at samot saring pabigat. Mahihirapan nga namang kayanin ng taong ang hawak lang ay gunting.

May basag na salamin, gamit na upuan, kalendaryong may babaeng dumudungaw na ang pasas, hinahasang gunting at aircon na antigo…yan ang eksena sa loob. Habang sa labas naman ay may naglalaro ng dama. Huwag kang dudungaw at baka mapalaban ka sa dalubhasa. Kung susuriin mo ay iba-iba ang mukha ng barbero, may tatang na gasgas ang boses at parang Haciendero pumorma, ang isa naman ay tadtad ng singsing at radikal ang buhok, matandang napapanot na’t mapagkakamalan mong politiko sa lalim ng boses at meron ding malinis manamit, pati buhok at balbas ay sukat na sukat. Ikaw na ang bahalang pumili kung saan ka nababagay. Isa lang naman ang pagkakaparehas nila, ang pagiging makwento. Pwede nga silang manunulat sa lawak ng talakayan. Hanggat may barberya, may kwentong barbero. ‘Wag ka basta maniniwala, sumabay ka lang sa agos.

Pangalawa ako sa pila, kaya nagbasa muna ako ng nagbabagang balita. Napuna ko ang isang bagitong ginugupitan, kasama pa ang kanyang tatay. Dinidiktahan ang barbero kung ano ang dapat na kalalabasan ng buhok, dahil yun ang patakaran sa paaralan. Alam kong asiwa ang bagito pero wala siyang magawa, mukha kasing nanggagarote yun ama. Kaawa-awang bata, hindi maihayag ang sarili. Gumana na naman ang isip kong pumupugak.  Ano ba ang tamang piliin, ang dapat sayo o ang gusto mo? Mahirap hanapin ang gusto mo kung ang nasa paligid mo ay tinatadtad ka ng “dapat!”.

Karamihan sa magulang ay binabase ang talino sa akademya at pagsunod sa patakaran ng paaralan. Natatabunan tuloy ang angking galing ng anak nila. Patuloy ang pagtulak para makakuha ng mataas na grado, lingid sa kanilang kaalaman ay may sining siyang tinatago, isang sarili na dapat hanapin. E ano kung makatapos sa kurso kung nasaan ang pera? Dahil ba praktikal? Karamihan sa sumusunod sa uso dahil nandoon ang pera, sila ang walang trabaho ngayon at pagkakakitaan. Ang mga nagrebelde at sinusod ang puso ay matatayog na ang lipad. Sila ang sinusundan ng salapi ngayon, dahil naging dalubhasa sa kanilang larangan. Hindi ko sinasabing maging suwail na anak, pero ang payo ng magulang ay gabay lang para mahagilap ang totoong ikaw…sukat akalain mo ba namang naisip ko pa yun dahil lang sa gupit ng buhok.

Sa wakas at pinulbusan na ang bagito, sabay tapik sa balikat at unting masahe…gupit binata na. Pagtayo ay bihis na bihis ang binata, ngunit ‘di napapanahon ang kasootan. Alam ko na kung bakit, panahon ng kanyang tatay ang ganoong porma. Nakapaloob ang polo sa baston na pantalon at mataas ang sinturon. Gusto ko ngang kamayan ang bagito at makiramay sa nararamdaman niya. Pag-upo ko ay masama ang titig sa’kin ng tatay. Naamoy niya siguro na ako ay isang maitim na tupa. Inaantay ko lang pumalag at gigilitan ko ng labaha. Namumula sa hiya ang binata bago lumabas ng barberya sa titig ng mga taong napapasulyap.

Paglabas nila ay bumulong sa akin ang barbero, “Wala eh, yun ang gusto ng erpats. Ikaw, anong gupit? Yun dati ulit?” tugon ko, “Syempre yun trip ko.”


PALIKERO AT MANGINGIBIG

PAALALA: Ang paksang ito ay maselan. Pero ang mga nilahad ko dito ay base sa hubo’t hubad na katotohanan. Isang opinyong nilatag.

Nakatapak na tayo sa bagong siglo. Harapin natin na ang kaakibat ng demokrasya, ay pagiging liberal. Halos mabaliw na nga ako sa pag-aanalisa at pag-iisip para lang matukoy ang isang palikero at mangingibig. Malay mo, makatulong ang paksang ito sa paparating na araw ng mga puso. Himayin natin.

Isang halimbawa nalang ay ang tao na dalawa ang kasintahan. Syempre sa tingin ng de kahon ang mentalidad, palikero ang hatol. Pero ito ay isang aral para hanapin ang kahulugan ng pag-ibig. Isang maling sitwasyon para maitama ang nararamdaman. Kumbaga, paano mo mahihiligan ang kulay puti kung walang ibang kulay na pagpipilian? Pagpumasok ka naman sa isang relasyon ay hindi nangangahulugan na ganap ka ng mangingibig. Akala mo lang yun, dahil nadadala kayo ng isang matamis na simula. Nagkasundo pagdating sa interes. Ang bawat relasyon ay ensayo lang para sa haharapin pang relasyon. Ang pag-ibig ay nagiging pag-ibig lang, pagsubok na. Bagkos, tumatawid ka sa pagiging palikero kung alam mo na kung sino ang mas matimbang ngunit hindi ka pa pumipili. Aakalain mong makasarili ang taong nagbubukas ng puso sa mga kumakatok kahit may kabiyak na, pero ito ay isang pagkakataon para mahanap ang dapat na kaparehas at laya naman sayo para mahanap ang nararapat. Magiging makasarili lang siya kung pinairal niya ay libog at alindog. Ang mangingibig ay nasasaktan at nakakasakit, para lalong mapalawak ang kaalaman at matanggap ang pagkabigo. Sa kabilang dako, ang palikero naman ay nakakasakit lang, para mapunan ang sariling interes at makaiwas sa pagkabigo. Madalas ay naisusugal ang moralidad para maintindihan mo lang ang salitang pag-ibig. ‘Wag mangamba, dahil bumabalik ang dangal kapag umiibig na ng tuluyan.

Maituturing na palikero ang taong nagpaparamdam pero walang balak makipagrelasyon at mas malala ay kung kang-kang lang ang habol. Nakakagulintang na katotohanan di ba? Ang mangingibig ay sinasantabi ang takot para magmahal. Hindi ko sinasabing suungin mo lahat ng relasyon, kundi ay hanapin mo ang ibig sabihin ng pag-ibig sa taong makapagbibigay ng kahulugan nito sa’yo.

Ang pag-ibig daw ay dumarating. Tae! Paano ka mananalo kung hindi ka man lang tumataya. Dumarating ang pag-ibig sa taong naghahanap. Natutuldukan lang ito kapag nagkasundo na kayo sa iisang kahulugan, hindi lang pag-iisang dibdib sa altar o sa papeles. Pagnaintindihan niyo na ang pag-ibig ay isang responsibilad. Syempre ang mga dalaga at binata ay aalma dahil masyado pa raw silang bata para sa usaping ganito, kaya tuloy lang ang laro. Lingid sa kaalaman nila, mangingibig lang ang nakakalayo at ang palikero’y naliligaw.


BAWAL SA LAMAY

Kumakailan lang ay pumanaw ang aking lola. Kaya ang ilang araw kong pananahimik ay ilang linggo ng pagdadalamhati. Nagdidiwang ang mga tao sa paligid sa pagsalubong ng bagong taon habang kami naman ay nagluluksa. Napatakbo ako sa probinsya ng wala sa oras. Isang pagkakataon narin para magbakasyon at nakakapagod palang manirahan sa syudad. Hanap ko na ang tanawin sa bukid at simoy ng dagat. Hindi ko alam kong bakit maraming nahuhumaling sa kinang ng Maynila. Ang lahat naman ng naninirahan dito ay katulad ng “Munting Gamo-gamo”.

Isang baryo nalang at probinsya na namin. Sumaglit muna ako sa palengke para bumili ng bulaklak. Mas matagal pa ata ang pag-aayos ng bulaklak kumpera sa byahe. Kaya nagliwaliw muna ako sa palengke at nakailang balik narin sa palikuran. Unting lambing lang sa tindera at nakatawad pa ako. Dito sa atin, isang katutak pang diskusyon para lang makamura.

Habang papalapit sa bahay ng tita ko ay ramdam ko na ang bigat sa paligid. Ang bumungad sa akin ay mga matatandang nag-iiyakan na kasamahan pala ng lola ko sa simbahan. Aakalain mo ngang may pasyon dahil sabay sabay silang kumakanta na parang kulto. Sinilip ko muna ang kabaong sabay bulong ni nanay na “Maging repinado ang kilos mo, dahil maraming kasabihan sa probinsya pagmay namatayan.”

Lumabas muna ako sa bakuran at nanlaki ang mata sa hele-helerang lamesa ng nagsusugal. Kakaupo ko palang ay napagsabihan na ako kaagad. Bawal daw magsugal ang kaanak ng namatay at mamalasin sa pagpipinta ng braha. Sinuway ko parin pero nagkatotoo ang lintek. Buti nalang at hindi pa pumatak ng libo ang tinalo ko. Tumayo muna ako at nagpagpag.

Lumabas ang kapatid ko na may halong inis dahil napagsabihan din siya. Pinunasan niya kasi ang kabaong dahil nanlilimahid na sa patak ng luha ang salamin. Hindi mo pa ba pupunasan kung panay uhog na at halos hindi mo na makita ang binurol?

Ang dami palang pamahiin, naghalo na kasi ang kultura ng mga ninuno at ang impluwensya ng mapanakop na kastila. Kaya yun labo-labo na, pwede ka na ngang gumawa ng libro sa dami ng kasabihan. Tinapik naman ang pinsan ko dahil nakatulog sa pagbabantay. Panay bawal! Bawal! Bawal!

Pero pag-inabutan mo ng pagkain at panggasta…pwede! Imbis na mataimtim kang nakikiramay ay abala ka pa sa pag-iisip kung may nasasagasaan ka bang paniniwala.

Pagsapit ng gabi ay naglabasan na ang mga kaldero’t kawali. Nagsibak ng kahoy sa likod bahay panggatong. Nakuha naman natin sa mga Tsino ang pagluluto ng iba’t ibang putahe gamit ang iisang klase ng hayop. Syempre ano pa ba ang handa? Kundi baboy, kambing, manok at isda, iba-iba lang ang luto. Ang kinasarap naman ay sariwa lahat, kaya lasang-lasa mo hanggang sa huling kagat.

Magdamag ang kwentuhan, pagluluksa at sugal. Naghalo narin ang kape at alak. May kantahan din, pero dapat kantang pampatay ang aawitin. May punto rin sila, kaysa naman masaya at may bagsak ng yugyog ang kanta mo.

Kinaumagahan ay naggagayak na ang lahat para sa libing. Kakamulat palang ng mata ko ay may “Bawal” ng sumalubong. Bawal daw maligo sa bahay kung saan ginanap ang burol. Naghanap pa tuloy ako ng ibang bahay na pwedeng pagliguan, kung hindi ay sa poso ang bagsak ko o sa dagat. Buti nalang at nakahanap. Lumilipad pa nga ang kaluluha ko habang naliligo. Sa wakas ay nagising rin ang diwa sa lamig ng tubig.

Ang buong pamilya ay nakasuot ng puting damit, isang simbolo ng maluwag na pagpaparaya. Napagalitan na naman ako dahil ang suot kong puti ay may halong de kolor, at pula pa. Nagtitinginan tuloy sila sa simbahan na parang ako ang suwail na apo. Kulang na lang ay ngaratan ko ang mga mapanghusga.

Natapos na ang misa at nilakad na namin si Lola sa kanyang huling hantungan. Pagdating sa kampo santo ay nakaantabay ang lahat para sa huling pamamaalam. Sinunog narin ang mga mamahaling braha na ginamit sa sugal. Nang binuksan ang kabaong ay kinuha ng insan ko ang nakasilid na pera sa loob. Swerte raw yun sa negosyo. Aba! May swerte rin akong narinig.

Pinasok na ang labi sa nitso. Paalis na nga lang ng sementeryo ay may “Bawal” pa. Bawal ang lumingon sa pinaglibingan. Dapat ay tuloy-tuloy ka lang sa paglalakad. Pero napagtanto ko, mukhang may dahilan rin. Siguro, para mabawasan ang bigat sa dibdib. Katulad din ng paghatid mo ng mahal sa buhay sa paliparan. Huwag ka ng lumingon pagnahatid mo na sa pinto dahil aagos ang luha at walang katapusang yakapan na naman yan.

Pagbalik sa bahay ay binanlawan pa kami ng mainit na tubig na may halong suka, kahit nangangasim na kami sa pawis. Kulang na nga lang ay isahog kami sa kinilaw. Nananghalian lang ako at sumibat na. Balik reyalidad na may baong mga “Bawal.”


SUGAL, SUGALAN, SUGALERO

Sa labas ng bahay ay umaakap na ang simoy ng pasko. Ramdam ang lamig sa kasukasuan at panay ang utot dahil sa kabag. Pinatawag ko ang lahat ng kaibigan para mag-ayang magsugal. Aba at parang peste namang nagsisulputan sa palayan. Hayok na hayok puminta ng braha at ang mga daliri ay mas makati pa sa kagat ng lamok sa estero.

Pinagtulungan naming ilabas ang lamesa at kanya kanya ng hugot ng bangko. Ang mga bagay na tulad ng sugal ay hindi pwedeng haluan ng alak, dahil mahirap maglaro ng lasing. Doble bayad kung mapupusoy ka. Dapat matalinaw. Mapagkakamalan mo ngang may lamay sa labas dahil sa dami ng nakadungaw tapos sinabayan pa ng kape’t sigarilyo, kulang na nga lang ay biskwit at korona na bulaklak .

Bakit pusoy? Halo kasi yun ng lohika, basahan ng ugali at kalkulasyon. Hindi tulad ng ibang laro sa braha, swertehan ang panalo parang bingo. Gusto kasi naming pinapaikot ang kapalaran sa aming mga palad. Dahil ang salitang swerte ay tsamba. Kaya tignan mo, lalong humahaba ang pila sa mga palaro sa telebisyon. Wala ng ibang inasahan kundi ang salitang “swerte”. Yan tuloy, lagi silang suki ng malas.

Nahiligan namin magsugal dahil oras na para laruin ang pera. Pera lang ba ang may karapatang paglaruan ang tao? Gantihan lang kumbaga. Ang maganda sa laro, kung matalo ka man. Alam mong pumapaikot lang sa sirkulo niyo ang pera. Kung hindi man masarap ang ulam mo ngayon, alam mong masarap ang ulam niya mamaya…at dahil magkaibigan kayo, ibabahagi niya sayo kung anong meron siya, pereho na kayong masarap ang kinakain.

Madalas nga kaming husgahan ng mga kapit bahay pagnapapadaan sila. Dahil masama ang tingin nila sa sugalero. Nagmamalinis pa, kung tumaya naman sa lotto ay halos maubos na ang sweldo. Tapos mas madalas pang mag-abot ng taya sa jueteng kaysa sa pulubi.

Marami rin mapupulot na aral sa larong pusoy. Hindi lahat ng malakas na braha ay maganda at kahit saksakan naman ng pangit ay nananalo parin. Bakit? Dahil depende yan sa ayos. Ika nga namin, makikita sa laro ng pusoy kung paano mo patakbuhin ang buhay mo.


Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 25 other followers