SANTA O SATANAS?

PAUNAWA: Ang mga nakasaad dito ay mapanira sa kinagisnan nating si Santa. Kung hanggang ngayon ay nahuhumaling at naniniwala pa sa kanya ay maaaring huwag ng basahin ang paksang ito. Ang mga naisulat dito ay likha lang ng malikot na pag-iisip.

Ayon sa pagsasaliksik ko na hinaluan ng pilosopiya. Sinubukan kong pag-aralan ang mga bagay tungkol kay Santa, kulang na nga lang ay gumawa ako ng laboratoryo at bahay aklatan sa aking tahanan para pagdugtong-dugtongin ang pira-pirasong ebidensya para mapatunayan na Satanas na nagbabalat kayo si Santa. Bakit? Naghalungkat ako ng mga kanta na magpapatunay nito:

1. “And I saw mommy kissing Santa Clause, underneath the mistletoe lastnight” – Tinitingala ng mga bata pero mang-aapid ng asawa. Yan ba si Santa? Kapagnatipuan niya ang nanay natin ay magnanakaw siya ng halik? Napaka-imoral.

2. “You better watch out! You better not cry! You better not pout cause I’m telling you why? Santa Clause is coming to town!” – Ito ay isang halimbawa ng pagbabanta at pananakot na paparating na ang katapusan. Sa tingin ko, si Santa ay isa sa mga bulaang propeta ayon sa Rebelasyon.

3. “He’s making a list. He’s checkin it twice.” – Bakit gumagawa ng listahan si Santa? Dahil ba sa pagdating ng paghuhukom ay kukunin na niya ang mga nararapat sa kanyang madilim na kaharian?

3. “He knows when you’re sleeping. He knows when you’re awake” – Hindi ka ba kinikilabutan? Alam niya kung gising ka o patulog na, pero hindi mo naman siya nakikita. Dalawa lang ang gumagawa nun, ang Diyos at ang isa ay alam mo na. Minamatsagan ka at binubulungan.

Ang isa pang anggulong tinitignan ko ay bakit tuwing madaling araw lang bumibisita si Santa? Hindi ba masamang elemento o aswang lang ang takot sa sinag ng araw? Ang pinagtataka ko pa ay sa tsimeniya siya dumadaan. Kung ang bumabagang gatong nga ay lumuluto ng letson at tumutunaw ng espada ni Panday, bakit hindi tinatalaban si Santa ng apoy? Mukhang nalilinlang niya pa tayo sa pula niyang kasuotan, kunwari ay pag-ibig ang kahulugan yun pala ay apoy, galit at rebelyon ang sinisimbolo.

Makikita mo pa sa kanya kung gaano siya kadupang. Ang ganoong katawan ay suotan mo ng uniporme ng pulis, sa tingin mo pagkakatiwalaan mo pa siya at papayagang pumasok sa bahay mo? Alam naman natin kung saan nakatira si Santa, sa isang lugar na saksakan ng ginaw at hindi pwedeng tirahan ng tao. Paano siya nabubuhay doon? Kung hindi ba naman siya demonyo.

Isa pang nakakagulintang na patunay ay ang mga manggagawa niyang dwende. Bakit hindi tao o kahit sinong maralita dyan ang kinuha niya para magtrabaho? Bakit lamang lupa pa? Maliban sa karawahe ay saan ka nakakita ng usang lumilipad kung hindi ito dinasalan o sinumpa? Dito mo makikita ang kaitiman ng budhi ni Santa dahil sa paglabag niya sa karapatan ng mga hayop. Halos hikain na sila sa pagod sa pagbibitbit ng dambuhalang sako ng regalo at kahit kelan ay hindi man lang sila inabutan.

Kung hindi siya hari ng kadiliman, bakit tuwing dumadaan siya sa tirik na buwan ay lumakas ang halakhak niya? Dito niya siguro kinukuha ang kapangyarihang itim. Tinuturuan niya pang magsinungaling ang ating mga magulang na kunwari ay dumaan na daw si Santa at naglaglag ng regalo sa ating medyas, yun pala ay sila lang. Ganyan ba niya tayo gustong palakihin, sa mundo ng pantasya at kahibangan? Ang mga bata ngayon, gumagawa nalang ng kabutihan dahil umaasa na may regalo kay Santa. Imbis na tumulong ng kusa at walang hinihinging kapalit.

Pagsumapit na ang pasko, sino ba ang una nating iniisip? Ang pagdiriwang ba sa kapanganakan ni Hesus o ang paghatid ni Santa ng regalo? Mag-isip isip, baka si Satanas nayan.

About mgakwentonijuantamad

Habang inaabangang mahinog ang bayabas, dumapa muna ako't sumulat. Tingnan lahat ng paskil sa mgakwentonijuantamad

17 responses to “SANTA O SATANAS?

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 25 other followers

%d bloggers like this: