UNANG BAYTANG 9.Pilyong Panganay
Enero 28, 2010
Sumapit ang aking kaarawan. Syempre ikaw ang bida, kaya dapat gayak na gayak ka, kahit nasa bahay ka lang dahil magpupuntahan ang lahat ng kamag-aral mo’t kaibigan. Naghanda si nanay ng pansit at kung ano-ano pang inihaw. Wala na ngang mapaglagyan sa hapagkainan sa dami ng nakalatag. Tinadtad din ng lobo ang bahay na may naka-imprentang pangalan ko, sa dami ay pwede akong ilipad sa kalawakan. Sinilip ko ang oras at baka namamalikmata lang dahil makulimlim. Alas-8 na pala pero bakit hindi pa nakadungaw ang araw? Putang-ina biglang bumuhos ang napakalakas na ulan! Ilang oras lang ay binaha na ang kalye namin. Tinawag ko na lahat ng santo para lang mapatigil pero mukhang sinumpa akong anak. Nilangaw ang handa, kahit kapiranggot na bata ay walang dumalo.
Namumugto na ang aking mga mata, isang luha nalang ang pipirma at hahagulgol nako ng iyak. Ang babae kong kapatid na sumunod sa akin ay dinaliri ang handa kong cake, na hindi ko pa nahihipan ang kandila. Dito na sumabog ang galit kong kinikimkim na parang bulkang bumubulwak ng nagbabagang putik. Naghorimintado ako, habang inaawat ay nakatanggap pa ako ng lumalagapak na mga palo kay lola dahil kinampihan pa ang maldita. Nag-iisang babae kasi kaya bigay lahat ng hilig. Ako pa ang may mali, may kaagyat na sumpa talaga ang pagiging panganay. Ang kasambahay namin na si Nanang Lumen ay humahalakhak pa. Dito na binalot ang puso ko ng paghihiganti at puot. Nagkulong ako sa kwarto at naghanda para sa nalalapit na digmaan. Napa-isip ng plano kung paano makabawi. Ang pagbabalik ng rebeldeng anak!
Kinagabihan, tulog na ang lahat. Nanghuli ako ng dagang bahay sa labahan namin dahil doon lumulungga ang mga peste. Sa wakas ay nakabingwit ng isa. Pumunta ako sa kusina’t pumuslit ng siling labuyo pagkatapos ay pinasok ko ang kabilang kwarto para pumitik ng mga karayom sa makinang pantahi ni lola. Humahalakhak ang demonyitong namamalagi sakin.
Kinabukasan, maaga akong nagising. Ito na ang tinakdang araw para maisagawa ang masamang balak. Inabangan ko sa labas ang nagrarasyon ng pandesal. Bago ko ipasok ay dinikdik ko lahat ng siling labuyo’t pinalaman sa tinapay. Pagpasok sa pinto tangan ko na ang daga, dahil alam kong nakanga-nga laging natutulog si Nanang Lumen. Hinampas ko muna ito sa pader para mahimatay at marahan na sinalpak sa kanyang bunga-nga ang peste. Sa paboritong upuan naman ng kapatid ko ay tinusok ko patayo ang mga karayom. Bumalik muna ako sa aking higaan para hindi mahalata kung sino ang salarin. Sumigaw ng malakas si Nanang Lumen habang nabibilaukan pa, “Daga!” Nabulabog ang lahat at tumakbo pababa. Nagtinginan lahat sa akin, pero dinaan ko lang sa hikab. Si lola ay may suspetsa na kung sino. Nakahain na ang almusal, sabay upo ng kapatid kong babae. Hindi maipinta ang mukha niya sa kirot. Isa-isa nilang tinanggal ang karayom sa puwetan. Pumunta muna ako ng kubeta para hindi pagdiskitahan kaagad. Tinagalan ko muna at alam kong may nag-aabang ng ratan sa puwet ko. Sa loob ay rinig kong nag-uunahan silang makainom ng tubig sa anghang ng pandesal. Humahagikhik ako sa loob, sa wakas ay tagumpay ang plano. Sa ilang sandali pa ay hinihiyaw na ni lola ang pangalan ko. Pakiramdam ko tuloy ay para na akong bibitayin. Ang hindi niya alam ay pinalamanan ko na ng tiniklop na mga dyaryo ang suot kong salawal. Handa nako sa paghuhukom. Hinusgahan na ang nasasakdal. Ako ang may sala!
Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at pingot ang sumalubong sakin na halos mapilas na ang tenga. Pinatuwad nako sa bangko pero walang bakas na takot sa’kin. Handa ko ng tanggapin ang latay ng ratan. Rapido ang mga palo, nagtaka lang si lola kung bakit naiinda ko ang mga hampas. Napuna niya na may papel na lumalawit sa hita ko. Dito na nagtatatakbo ang kontrabida, habang nagmamakaawang humihingi ng tawad. Humampas ako sa pinto dahil punyeta, hindi ko man lang nakitang nakasara! Para sana maka-eskapo. Yan tuloy, lasog-lasog na nga ang hita, nakaluhod pa sa bilao ng asin habang tinatapos lahat ng misteryo sa rosaryo. Kapalit ng isang matamis na paghihiganti.
PALIKERO AT MANGINGIBIG
Enero 25, 2010
PAALALA: Ang pakasang ito ay maselan. Pero ang mga nilahad ko dito ay base sa hubo’t hubad na katotohanan. Isang opinyong nilatag.
Nakatapak na tayo sa bagong siglo. Harapin natin na ang kaakibat ng demokrasya, ay pagiging liberal. Halos mabaliw na nga ako sa pag-aanalisa at pag-iisip para lang matukoy ang isang palikero at mangingibig. Malay mo, makatulong ang paksang ito sa paparating na araw ng mga puso. Himayin natin.
Isang halimbawa nalang ay ang tao na dalawa ang kasintahan. Syempre sa tingin ng de kahon ang mentalidad, palikero ang hatol. Pero ito ay isang aral para hanapin ang kahulugan ng pag-ibig. Isang maling sitwasyon para maitama ang nararamdaman. Kumbaga, paano mo mahihiligan ang kulay puti kung walang ibang kulay na pagpipilian? Pagpumasok ka naman sa isang relasyon ay hindi nangangahulugan na ganap ka ng mangingibig. Akala mo lang yun, dahil nadadala kayo ng isang matamis na simula. Nagkasundo pagdating sa interes. Ang bawat relasyon ay ensayo lang para sa haharapin pang relasyon. Ang pag-ibig ay nagiging pag-ibig lang, pagsubok na. Bagkos, tumatawid ka sa pagiging palikero kung alam mo na kung sino ang mas matimbang ngunit hindi ka pa pumipili. Aakalain mong makasarili ang taong nagbubukas ng puso sa mga kumakatok kahit may kabiyak na, pero ito ay isang pagkakataon para mahanap ang dapat na kaparehas at laya naman sayo para mahanap ang nararapat. Magiging makasarili lang siya kung pinairal niya ay libog at alindog. Ang mangingibig ay nasasaktan at nakakasakit, para lalong mapalawak ang kaalaman at matanggap ang pagkabigo. Sa kabilang dako, ang palikero naman ay nakakasakit lang, para mapunan ang sariling interes at makaiwas sa pagkabigo. Madalas ay naisusugal ang moralidad para maintindihan mo lang ang salitang pag-ibig. ‘Wag mangamba, dahil bumabalik ang dangal kapag umiibig na ng tuluyan.
Maituturing na palikero ang taong nagpaparamdam pero walang balak makipagrelasyon at mas malala ay kung kang-kang lang ang habol. Nakakagulintang na katotohanan di ba? Ang mangingibig ay sinasantabi ang takot para magmahal. Hindi ko sinasabing suungin mo lahat ng relasyon, kundi ay hanapin mo ang ibig sabihin ng pag-ibig sa taong makapagbibigay ng kahulugan nito sa’yo.
Ang pag-ibig daw ay dumarating. Tae! Paano ka mananalo kung hindi ka man lang tumataya. Dumarating ang pag-ibig sa taong naghahanap. Natutuldukan lang ito kapag nagkasundo na kayo sa iisang kahulugan, hindi lang pag-iisang dibdib sa altar o sa papeles. Pagnaintindihan niyo na ang pag-ibig ay isang responsibilad. Syempre ang mga dalaga at binata ay aalma dahil masyado pa raw silang bata para sa usaping ganito, kaya tuloy lang ang laro. Lingid sa kaalaman nila, mangingibig lang ang nakakalayo at ang palikero’y naliligaw.
BAWAL SA LAMAY
Enero 19, 2010
Kumakailan lang ay pumanaw ang aking lola. Kaya ang ilang araw kong pananahimik ay ilang linggo ng pagdadalamhati. Nagdidiwang ang mga tao sa paligid sa pagsalubong ng bagong taon habang kami naman ay nagluluksa. Napatakbo ako sa probinsya ng wala sa oras. Isang pagkakataon narin para magbakasyon at nakakapagod palang manirahan sa syudad. Hanap ko na ang tanawin sa bukid at simoy ng dagat. Hindi ko alam kong bakit maraming nahuhumaling sa kinang ng Maynila. Ang lahat naman ng naninirahan dito ay katulad ng “Munting Gamo-gamo”.
Isang baryo nalang at probinsya na namin. Sumaglit muna ako sa palengke para bumili ng bulaklak. Mas matagal pa ata ang pag-aayos ng bulaklak kumpera sa byahe. Kaya nagliwaliw muna ako sa palengke at nakailang balik narin sa palikuran. Unting lambing lang sa tindera at nakatawad pa ako. Dito sa atin, isang katutak pang diskusyon para lang makamura.
Habang papalapit sa bahay ng tita ko ay ramdam ko na ang bigat sa paligid. Ang bumungad sa akin ay mga matatandang nag-iiyakan na kasamahan pala ng lola ko sa simbahan. Aakalain mo ngang may pasyon dahil sabay sabay silang kumakanta na parang kulto. Sinilip ko muna ang kabaong sabay bulong ni nanay na “Maging repinado ang kilos mo, dahil maraming kasabihan sa probinsya pagmay namatayan.”
Lumabas muna ako sa bakuran at nanlaki ang mata sa hele-helerang lamesa ng nagsusugal. Kakaupo ko palang ay napagsabihan na ako kaagad. Bawal daw magsugal ang kaanak ng namatay at mamalasin sa pagpipinta ng braha. Sinuway ko parin pero nagkatotoo ang lintek. Buti nalang at hindi pa pumatak ng libo ang tinalo ko. Tumayo muna ako at nagpagpag.
Lumabas ang kapatid ko na may halong inis dahil napagsabihan din siya. Pinunasan niya kasi ang kabaong dahil nanlilimahid na sa patak ng luha ang salamin. Hindi mo pa ba pupunasan kung panay uhog na at halos hindi mo na makita ang binurol?
Ang dami palang pamahiin, naghalo na kasi ang kultura ng mga ninuno at ang impluwensya ng mapanakop na kastila. Kaya yun labo-labo na, pwede ka na ngang gumawa ng libro sa dami ng kasabihan. Tinapik naman ang pinsan ko dahil nakatulog sa pagbabantay. Panay bawal! Bawal! Bawal!
Pero pag-inabutan mo ng pagkain at panggasta…pwede! Imbis na mataimtim kang nakikiramay ay abala ka pa sa pag-iisip kung may nasasagasaan ka bang paniniwala.
Pagsapit ng gabi ay naglabasan na ang mga kaldero’t kawali. Nagsibak ng kahoy sa likod bahay panggatong. Nakuha naman natin sa mga Tsino ang pagluluto ng iba’t ibang putahe gamit ang iisang klase ng hayop. Syempre ano pa ba ang handa? Kundi baboy, kambing, manok at isda, iba-iba lang ang luto. Ang kinasarap naman ay sariwa lahat, kaya lasang-lasa mo hanggang sa huling kagat.
Magdamag ang kwentuhan, pagluluksa at sugal. Naghalo narin ang kape at alak. May kantahan din, pero dapat kantang pampatay ang aawitin. May punto rin sila, kaysa naman masaya at may bagsak ng yugyog ang kanta mo.
Kinaumagahan ay naggagayak na ang lahat para sa libing. Kakamulat palang ng mata ko ay may “Bawal” ng sumalubong. Bawal daw maligo sa bahay kung saan ginanap ang burol. Naghanap pa tuloy ako ng ibang bahay na pwedeng pagliguan, kung hindi ay sa poso ang bagsak ko o sa dagat. Buti nalang at nakahanap. Lumilipad pa nga ang kaluluha ko habang naliligo. Sa wakas ay nagising rin ang diwa sa lamig ng tubig.
Ang buong pamilya ay nakasuot ng puting damit, isang simbolo ng maluwag na pagpaparaya. Napagalitan na naman ako dahil ang suot kong puti ay may halong de kolor, at pula pa. Nagtitinginan tuloy sila sa simbahan na parang ako ang suwail na apo. Kulang na lang ay ngaratan ko ang mga mapanghusga.
Natapos na ang misa at nilakad na namin si Lola sa kanyang huling hantungan. Pagdating sa kampo santo ay nakaantabay ang lahat para sa huling pamamaalam. Sinunog narin ang mga mamahaling braha na ginamit sa sugal. Nang binuksan ang kabaong ay kinuha ng insan ko ang nakasilid na pera sa loob. Swerte raw yun sa negosyo. Aba! May swerte rin akong narinig.
Pinasok na ang labi sa nitso. Paalis na nga lang ng sementeryo ay may “Bawal” pa. Bawal ang lumingon sa pinaglibingan. Dapat ay tuloy-tuloy ka lang sa paglalakad. Pero napagtanto ko, mukhang may dahilan rin. Siguro, para mabawasan ang bigat sa dibdib. Katulad din ng paghatid mo ng mahal sa buhay sa paliparan. Huwag ka ng lumingon pagnahatid mo na sa pinto dahil aagos ang luha at walang katapusang yakapan na naman yan.
Pagbalik sa bahay ay binanlawan pa kami ng mainit na tubig na may halong suka, kahit nangangasim na kami sa pawis. Kulang na nga lang ay isahog kami sa kinilaw. Nananghalian lang ako at sumibat na. Balik reyalidad na may baong mga “Bawal.”
AURORA
Enero 19, 2010
Pilyong hindi matahan
Sa dapo ng palad at ratan na lumatay.
Humarap sa altar ng misteryo
Ang musmos na may katigasan ang ulo.
Habang nakalapat ang tuhod
Sa ilang dakot ng asing nakatakal sa bilao.
Kabila ng kaparusahang ipinataw,
Ay pagsusulit para maituwid ang asal.
Sa likod ng malanobelang pangaral,
Isang liham na may lagda ng kalinga.
Katuwang ko sa pag-usbong, muli ako’y pinaluha.
Hindi na sa hampas ng pamalo o sa talas ng dila.
Kundi isang balo na nakaratay sa pagkaparalisa,
Naghihingalong nangu-ngusap ang namumugtong mga mata
Kumikipot na ang daloy ng hangin
Alinsunod sa pilantik ng linya na lalong tumitining
Mga de-tubo at kableng dagdag pasakit
Sa pumapalyang puso na may taning
“Sige na po Lola, oras ng mamaalam.
Kahit ang pagpanaw mo ay labag sa kalooban.”
UNANG BAYTANG 8. Ang Cubao
Enero 6, 2010
Pumatak na ang linggo. Araw ng pananampalataya. Kailangang isuot na naman ang makating polo at baston na pantalon. Ang hawi dapat ng buhok ay nasa gilid. Pwede ngang manalamin sa kintab ng sapatos ko. Pagdating sa simbahan ay aakalain mo na matimtimang nagdadasal, ang diwa ko’y kinain na pala ng antok. Yan tuloy, halos matuklap na ang balat sa kurot ni Nanay. Pagkatapos ng misa ay bibili kami sa mga naglalakong madre ng kutsinta, puto at bibingka na binudbudan ng niyog. Ang iba ay ang babait kapag binebentahan ka, pero pagnakasalubong mo naman sa loob ng paaralan ay ‘di ka man lang mangitian.
Pumara na kami ng sitak na Gemini, hindi para umuwi, kundi ay magliwaliw muna. Kalat sa mga sitak ang sticker ng mga babaeng nakabukaka.”Basta driver, Sweet Lover,” nauso yun kasi malaki pa ang kita nila. Sa laki ay pwede silang magbahay ng dalawang pamilya at higit pa. Napaso narin ang kasabihan at kahit aso, ayaw na nilang mag-alaga sa tumal ng kita. Kainitan ng Cubao noon at ang pinakamatayog pa na gusali ay ang Isetann. Sa kalayuan palang ay matatanaw mo na. Ngayon kasi ang mga pinapasyalang mall ay parang kontinente, maliligaw ka pa pagtatanga-tanga ka. Syempre, ang nakasanayan na namin na pansitan muna kami manananghalian, hele-helera ang kainan doon, na hindi mo naman maintindihan ang pangalan dahil tsinoy ang may-ari. Wag ka lang magkakamaling tumawid sa tapat dahil haharangin ka ng mga tinderang nagbebenta ng mga pantalon at damit. Dudumugin ka na parang bagong saltang preso na panggagahasa ang kaso. Malapit pa yun sa orihinal na COD kung saan nagpapalabas ng gumagalaw na manikin tuwing sasapit ang pasko. Pagkatapos kumain ay diretso sa Fiesta Carnival. Magpapakahilo muna sa umiikot na kabayo’t tasa at lilibutin ang buong karnibal sakay ng tren na may unanong nakakatakot. Paano sila kikita kung ganun ang bubungad sa’yo? Tapos dilat ang mata’t sasabihing “Halika, sakay na.”
Ang Shoe Mart naman ay literal na bilihan ng sapatos. Ngayon lang naman nagpakonyo ang SM pero dati ay pugad ng mangingikil. Kalat na kalat ang sinehan noon, isa sa mga sikat ay New Frontier at Act Theater. Pahirapan pa ang manood, uso ngang umupo sa sahig kapag punuan. Walang pagkakaiba sa bus, agawan ng mauupuan. Ngayon ay sarado na ang iba at ang mga naiwan ay motel na ng mga nagsusubuang lalakwe.
Buhay na ang Araneta noon at kagagawa lang ng Farmers Plaza. Ang sikat na bilihan ng mamahalin na laruan ay ang yumaong Uniwide. Na pagnapadaan kami ay magsasalita kaagad ang nanay ko “O walang magpapabili, ingat at baka may masanggi, ikaw ang ibabayad ko!” Napaisip tuloy ako kung ilang bata na ang naibayad sa kahera. Madalas pa magkawalaan ang mga bata, kaya mabenta ang mga guard sa mikropono, aakalain mong komentarista ng radyo. Bago umuwi ay dadaan muna sa Plaza Fair para magpahangin sa pinto nila. Iwas nga ang ibang matatanda sa pasukan, dahil baka liparin ang peluka.
Pagdating sa kanto malapit sa inuupahan naming bahay ay nagpaiwan muna ako para kumain ng nilagang itlog na parang toknene. Ginutom kasi ako sa paglalakad.
HINLALAKI KO…HINTUTURO MO
Enero 6, 2010
Sagana ka sa hinaing, umiiling na sa sakit.
Ngunit nakialam ka ba? Kumilos at nakibaka?
Lumantad at bumoka o baka, naman tumunganga
Na nakabuka pa ang bunga-nga?
Hindi na tama ang mga nasaksihan,
Tinimbang ka ngunit kulang,
Dahil kulang ka sa timbang.
Salat sa kaalaman, mangmang
dahil kapos ang upuan sa paaralan.
Lumulutang ang utak sa listahan ng ulam na inutang.
Ang nakahain pa ay bahaw at arinang sinabawan.
Kaninang hapag kainan, ngayon ay papag ng himlayan.
Panay duro pa ng hintuturo,
Hinlalaking hindi naman maituro sa sarili.
Sariling hindi maharap ang problema,
dahil ang problema ay ang hinaharap.
Sinusugal nalang sa rolyo ng roleta ang kapalaran.
Manggagawang abala sa lupang
May titulo na tangan ng kanluran.
UNANG BAYTANG 7. Away Bata
Enero 4, 2010
Simula noon ay naging kadikit ko ng kaibigan sila Bukol at Tomtom, sa away at ginhawa. Ang kalahating parte ng Anapolis sa Cubao ay nagsilbing pugad naming mga bubwit. Madalas kasi naming makaaway ang mga bata sa bandang baba, malapit sa palengke. Nepa Q-mart pa yun noon. Nagkaangasa’t nagkasagutan sa kanto ng New York, kaya yun away na. Ang sapakan dati ng mga bagito ay may integridad pa at palabra de honor. Hindi kami basta nagsusugudan o biglaang aatake sa kampo ng kalaban. Magkakaroon pa ng pagpupulong kung saan gaganapin at itatakda ang oras ng suntukan. Tapos gagawin namin yun sa bakanteng lote na matalahib, sa likod ng mga naglalakihang karatula na pinapalabas at ipapalabas palang sa sinehan. Hindi pa uso ang dambuhalang imprenta nun kaya guhit kamay lahat, yun nga lang ang mga mukha ng artistang ipinipinta ay hindi naman kamukha o kundi naman ay may dipekto. Tapat pa yun ng nasunog na Uniwide. Kung matalo ka man ay haharapin mo ang kahihiyan ng ilang linggo’t magkukulong muna sa bahay, pero ang kagandahan nun ay matututunan mong tanggapin ang pagkatalo. Pumaikot na ang mga bata para manood ng tupada. Naghihiyawan pa nga at nagkakantsawan. Doon nauso ang panggatong na salitang “Sige nga, hawakan mo nga sa tenga.” Ang susunod na eksena ay rumaratrat na kamao at nagliliparang mga tadyak. Bahala na kung saan tatama. Pagmay napilasan na ng balat sa mukha ay kanya-kanya ng awat at bati-bati na. Sa muling pagkikita nalang kung sakaling magkainitan ulit. Si Bukol ang lagi naming pambato. Kaya nadagdagan na naman ng peklat sa mukha at poknat sa ulo. Ako naman ay ang gatong pangdangal at si Tomtom ang taga-awat.
Ilang panalo at pagkatalo narin ang pinagdaanan namin. Kung walang pagkakaabalahan ay madalas kaming magmuni-muni sa mga tangkay ng puno ng alatiris sabay pitas ng bunga at rekta na sa bunga-nga. Hindi kami mahilig sa tsitserya pero bumibili kami dahil sa laruang nakapaloob dito. Kung may matira pang barya sa baon naming tumatagingting na sampong piso ay bibili kami ng palamig o kung marami-rami pa ang pera ay softdrinks na kinikiskis pa ang likod ng tansan at baka sakaling may mapanalunan. Kung wala mang premyo ay itatago nalang namin ito para magamit pa pagpatak ng tag-ulan para gawing bangka sa rumaragasang tubig ng estero. Ang ibang laruan ay gawa-gawa lang namin. Tulad nalang ng tirador na gawa sa makapal na alambre. Tapos bibili nalang kami ng goma sa suking tindahan at lastikong panali. Paggawa na ay aabangan namin ang kanong nangungupahan sa kabilang bahay na nakasalawal lang habang nagdidilig. Sapul! Basag ang itlog.
SANTA O SATANAS?
Disyembre 14, 2009
PAUNAWA: Ang mga nakasaad dito ay mapanira sa kinagisnan nating si Santa. Kung hanggang ngayon ay nahuhumaling at naniniwala pa sa kanya ay maaaring huwag ng basahin ang paksang ito. Ang mga naisulat dito ay likha lang ng malikot na pag-iisip.
Ayon sa pagsasaliksik ko na hinaluan ng pilosopiya. Sinubukan kong pag-aralan ang mga bagay tungkol kay Santa, kulang na nga lang ay gumawa ako ng laboratoryo at bahay aklatan sa aking tahanan para pagdugtong-dugtongin ang pira-pirasong ebidensya para mapatunayan na Satanas na nagbabalat kayo si Santa. Bakit? Naghalungkat ako ng mga kanta na magpapatunay nito:
1. “And I saw mommy kissing Santa Clause, underneath the mistletoe lastnight” – Tinitingala ng mga bata pero mang-aapid ng asawa. Yan ba si Santa? Kapagnatipuan niya ang nanay natin ay magnanakaw siya ng halik? Napaka-imoral.
2. “You better watch out! You better not cry! You better not pout cause I’m telling you why? Santa Clause is coming to town!” – Ito ay isang halimbawa ng pagbabanta at pananakot na paparating na ang katapusan. Sa tingin ko, si Santa ay isa sa mga bulaang propeta ayon sa Rebelasyon.
3. “He’s making a list. He’s checkin it twice.” – Bakit gumagawa ng listahan si Santa? Dahil ba sa pagdating ng paghuhukom ay kukunin na niya ang mga nararapat sa kanyang madilim na kaharian?
3. “He knows when you’re sleeping. He knows when you’re awake” – Hindi ka ba kinikilabutan? Alam niya kung gising ka o patulog na, pero hindi mo naman siya nakikita. Dalawa lang ang gumagawa nun, ang Diyos at ang isa ay alam mo na. Minamatsagan ka at binubulungan.
Ang isa pang anggulong tinitignan ko ay bakit tuwing madaling araw lang bumibisita si Santa? Hindi ba masamang elemento o aswang lang ang takot sa sinag ng araw? Ang pinagtataka ko pa ay sa tsimeniya siya dumadaan. Kung ang bumabagang gatong nga ay lumuluto ng letson at tumutunaw ng espada ni Panday, bakit hindi tinatalaban si Santa ng apoy? Mukhang nalilinlang niya pa tayo sa pula niyang kasuotan, kunwari ay pag-ibig ang kahulugan yun pala ay apoy, galit at rebleyon ang sinisimbolo.
Makikita mo pa sa kanya kung gaano siya kadupang. Ang ganoong katawan ay suotan mo ng uniporme ng pulis, sa tingin mo pagkakatiwalaan mo pa siya at papayagang pumasok sa bahay mo? Alam naman natin kung saan nakatira si Santa, sa isang lugar na saksakan ng ginaw at hindi pwedeng tirahan ng tao. Paano siya nabubuhay doon? Kung hindi ba naman siya demonyo.
Isa pang nakakagulintang na patunay ay ang mga manggagawa niyang dwende. Bakit hindi tao o kahit sinong maralita dyan ang kinuha niya para magtrabaho? Bakit lamang lupa pa? Maliban sa karawahe ay saan ka nakakita ng usang lumilipad kung hindi ito dinasalan o sinumpa? Dito mo makikita ang kaitiman ng budhi ni Santa dahil sa paglabag niya sa karapatan ng mga hayop. Halos hikain na sila sa pagod sa pagbibitbit ng dambuhalang sako ng regalo at kahit kelan ay hindi man lang sila inabutan.
Kung hindi siya hari ng kadiliman, bakit tuwing dumadaan siya sa tirik na buwan ay lumakas ang halakhak niya? Dito niya siguro kinukuha ang kapangyarihang itim. Tinuturuan niya pang magsinungaling ang ating mga magulang na kunwari ay dumaan na daw si Santa at naglaglag ng regalo sa ating medyas, yun pala ay sila lang. Ganyan ba niya tayo gustong palakihin, sa mundo ng pantasya at kahibangan? Ang mga bata ngayon, gumagawa nalang ng kabutihan dahil umaasa na may regalo kay Santa. Imbis na tumulong ng kusa at walang hinihinging kapalit.
Pagsumapit na ang pasko, sino ba ang una nating iniisip? Ang pagsilang ba ni Hesus o ang paghatid ni Santa ng regalo? Mag-isip isip.
SUGAL, SUGALAN, SUGALERO
Nobyembre 22, 2009
Sa labas ng bahay ay umaakap na ang simoy ng pasko. Ramdam ang lamig sa kasukasuan at panay ang utot dahil sa kabag. Pinatawag ko ang lahat ng kaibigan para mag-ayang magsugal. Aba at parang peste namang nagsisulputan sa palayan. Hayok na hayok puminta ng braha at ang mga daliri ay mas makati pa sa kagat ng lamok sa estero.
Pinagtulungan naming ilabas ang lamesa at kanya kanya ng hugot ng bangko. Ang mga bagay na tulad ng sugal ay hindi pwedeng haluan ng alak, dahil mahirap maglaro ng lasing. Doble bayad kung mapupusoy ka. Dapat matalinaw. Mapagkakamalan mo ngang may lamay sa labas dahil sa dami ng nakadungaw tapos sinabayan pa ng kape’t sigarilyo, kulang na nga lang ay biskwit at korona na bulaklak .
Bakit pusoy? Halo kasi yun ng lohika, basahan ng ugali at kalkulasyon. Hindi tulad ng ibang laro sa braha, swertehan ang panalo parang bingo. Gusto kasi naming pinapaikot ang kapalaran sa aming mga palad. Dahil ang salitang swerte ay tsamba. Kaya tignan mo, lalong humahaba ang pila sa mga palaro sa telebisyon. Wala ng ibang inasahan kundi ang salitang “swerte”. Yan tuloy, lagi silang suki ng malas.
Nahiligan namin magsugal dahil oras na para laruin ang pera. Pera lang ba ang may karapatang paglaruan ang tao? Gantihan lang kumbaga. Ang maganda sa laro, kung matalo ka man. Alam mong pumapaikot lang sa sirkulo niyo ang pera. Kung hindi man masarap ang ulam mo ngayon, alam mong masarap ang ulam niya mamaya…at dahil magkaibigan kayo, ibabahagi niya sayo kung anong meron siya, pereho na kayong masarap ang kinakain.
Madalas nga kaming husgahan ng mga kapit bahay pagnapapadaan sila. Dahil masama ang tingin nila sa sugalero. Nagmamalinis pa, kung tumaya naman sa lotto ay halos maubos na ang sweldo. Tapos mas madalas pang mag-abot ng taya sa jueteng kaysa sa pulubi.
Marami rin mapupulot na aral sa larong pusoy. Hindi lahat ng malakas na braha ay maganda at kahit saksakan naman ng pangit ay nananalo parin. Bakit? Dahil depende yan sa ayos. Ika nga namin, makikita sa laro ng pusoy kung paano mo patakbuhin ang buhay mo.
UNANG BAYTANG 6. Akyat Bahay
Oktubre 26, 2009
Pagbiyernes ay asahan mong maraming batang naglalaro sa labas at nagdidiwang dahil alam nilang kinabukasan ay walang pasok. Tanghali palang ay kalat na kami sa kalye dahil ano nga ba naman ang gagawin mo sa loob ng bahay kung ganung oras ay walang koryente at hapon pa magkakaroon? Magmumukha ka lang oso sa loob ng kwebang madilim.
Nagagalit pa ang mga magulang noon kapag ‘di ka natulog ng tanghali, kaya nagpipikit-pikitan nalang ako’t kinakamot-kamot ang mata para medyo mamula at mukhang bagong gising. Minsan kailangan pa ng tulong ng sibuyas para maluha-luha’t haluan ng konting hikab para kapani-paniwala. Kailangan daw matulog para mabilis tumangkad, hindi ka nga makaidlip sa kati ng bungang araw sa init.
Nauna kong natanaw sa bintana ang mga batang bagong lipat. Nakuha nila ang atensyon ko sa galing nilang maglaro ng tambling. Bigla akong inaya ni Tomtom kaya kailangan kong magpakitang gilas sa pamamagitan ng Diablo. Napabilib sila kaya dito na kami nagkasundo ni Bukol.
Nahiligan namin ang magsabong ng gagamba. Naglalaro sa halagang sampu hanggang bente pesos ang isang gagamba depende sa uri kung gagambang talahib ba, gagambang demonyo na may sungay pa sa likod, gagambang koryente na kulay itim, gagambang saging na may tuldok sa likod at samot saring lahi ng gagamba. Astig kami dahil ang ibang bata sa posporo lang ang bahay ng gagamba nila, sa’min ay isang kaha na may salamin pa. Kaya kumpulan kapag nilabas na namin ang pambato. Para din mga atleta ang mga alaga namin dahil araw araw may pagsasanay. Kada isa ay ilalagay mo sa tingting at kakalabit-kalabitin mo ang galamay, pagtapos ay lalaglagan ng dahon ng sili para tumapang. Madalas mo dapat ginugutom para hayok na hayok sumunggab pagdwelo na. Ang kabilin-bilinan pa ng tinderong kulot ay ‘wag daw laging pakainin ng gagambang bahay dahil baka raw maduwag. Pero sa hirap ng buhay, sinuway parin namin dahil kung ang tao ngang gutom ay hindi namimili, gagamba pa kaya?
Suki kami sa mga bubungan at pader para lang manghuli ng biktimang pangtsibog ng alaga namin. Sana’y na kaming umilag sa nagliliparang tsinelas dahil nakakabulabog kami at mga lolang nanghahabol ng walis tambo.